PBBM, PUTIN ITINULAK ENERGY SECURITY AT MAS MATIBAY NA ASEAN-RUSSIA COOPERATION

BINIGYANG-DIIN nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Russian President Vladimir Putin ang kahalagahan ng energy security, food security at mas malalim na economic cooperation sa pagdiriwang ng ika-35 taon ng dialogue relations sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Russia.

Sa joint press briefing matapos ang ASEAN-Russia Commemorative Summit sa Kazan, sinabi ni Pangulong Marcos na tinalakay ng mga lider ang iba’t ibang larangan ng kooperasyon na makikinabang ang Southeast Asia at Russia sa gitna ng patuloy na pandaigdigang hamon.

“Today, ASEAN and the Russian Federation commemorate 35 years of dialogue relations and we affirm our shared commitment to a partnership that remains constructive, forward-looking, and responding to the evolving needs of our people,” ani Pangulong Marcos.

Ayon sa Pangulo, nagpalitan ng pananaw ang mga lider hinggil sa pagpapalakas ng kooperasyon sa peace and security, trade and investment, food and energy security, science and technology at people-to-people exchanges.

Binigyang-diin din niya ang pagpapatibay ng Kazan Declaration 2026 at ASEAN-Russia Comprehensive Plan of Action 2026-2030 na magsisilbing roadmap para sa mas pinalawak na ugnayan ng ASEAN at Russia.

“These documents provide a comprehensive roadmap for expanding practical cooperation and delivering tangible results and benefits to our peoples in the years to come,” dagdag ng Pangulo.

Isa sa pangunahing paksa ng summit ang energy cooperation habang patuloy na naaapektuhan ang pandaigdigang merkado ng langis at enerhiya dahil sa mga geopolitical tensions.

Ayon kay Putin, napagkasunduan ng ASEAN at Russia na palalimin pa ang economic cooperation, palawakin ang kalakalan at paigtingin ang energy partnerships.

“Russia offers increased exports in ASEAN states of products with high added value, including fertilizers and medicines. Naturally, we’ll continue to supply our Asian friends with food and energy, which are very high in demand,” ani Putin.

Ipinahayag din ng Russian leader ang kahandaan ng kanilang bansa na makipagtulungan sa mga bansang ASEAN sa pagpapaunlad ng mapayapang nuclear energy programs sa pamamagitan ng state-owned nuclear corporation na Rosatom.

Kasabay nito, sinabi ni Putin na umaasa silang magiging matatag ang sitwasyon sa Middle East at Persian Gulf matapos ang mga ulat hinggil sa mapayapang kasunduan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

“We expect the situation in the Middle East and in the Persian Gulf will stabilize, which will have a positive effect, among others, on global energy and food markets,” aniya.

Bilang ASEAN Chair, muling tiniyak ni Pangulong Marcos ang commitment ng Pilipinas na palakasin ang ASEAN centrality at tiyaking makatutulong ang pakikipag-ugnayan sa mga external partners sa pagpapanatili ng kapayapaan, katatagan at kaunlaran sa rehiyon.

Inaprubahan din ng summit ang Joint Statement and Concept Paper on Energy Cooperation na naglalayong palawakin ang kolaborasyon sa sektor ng enerhiya sa pagitan ng Russia at mga bansa sa Southeast Asia.

(CHRISTIAN DALE)

241

Related posts

Leave a Comment