BINIGYANG-DIIN ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na kinikilala ng pamahalaang lungsod ang mahalagang papel ng mga miyembro ng LGBTQ+ community sa pagsulong ng ekonomiya at pag-unlad ng kabuhayan sa bansa.
Ito ang pahayag ng alkalde sa isinagawang 2nd QC LGBTIQ+ Business Summit sa Quezon City Hall na naglalayong tulungan ang mga negosyanteng kabilang sa LGBTIQ+ community na makasabay sa mga pagbabago at maging handa para sa mga hamon sa hinaharap.
Hinimok ni Belmonte ang mga lider, negosyante, kinatawan ng business sector, mga estudyante at miyembro ng LGBTIQ+ community na ipagpatuloy ang pagsusulong ng pagkakapantay-pantay at tiyaking walang maiiwan sa pagkakaloob ng pantay na karapatan.
Ayon sa alkalde, nararapat lamang na kilalanin ang ambag ng mga LGBTIQ+ sa pag-unlad ng bansa dahil sa kanilang malaking kontribusyon sa iba’t ibang sektor.
“Dito sa QC, pinaninindigan natin na kasama ang lahat sa pagtrato para sa pantay na karapatan,” ani Belmonte.
Binigyang-diin din niya na kaisa ang Quezon City sa pagbibigay-proteksyon sa mga miyembro ng LGBTIQ+ community at sa paglaban sa anumang uri ng diskriminasyon.
“Ang karapatan ng mga LGBT ay karapatang pantao at walang puwang ang diskriminasyon dito,” dagdag pa niya.
Ayon kay Belmonte, bahagi ng kanyang adbokasiya ang pangangalaga sa kapakanan ng mga miyembro ng LGBTIQ+ community, isa sa mga programang matagal nang isinusulong at patuloy na pinaiigting ng pamahalaang lungsod.
(PAOLO SANTOS)
117 