NAGBIGAY ng kanyang pananaw ang batikang abogado at Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) president na si Ariel Inton kaugnay ng muling pagpapalit ng liderato sa Senado.
Ayon kay Inton, tinapos ni Senador Joel Villanueva ang tinawag niyang “numbers game” sa Senado nang tuluyan itong sumama sa grupo ni Senate President Win Gatchalian. Dahil sa 13 boto ng mayorya, tuluyan nang naupo si Gatchalian bilang bagong lider ng Senado kapalit ni Senator Alan Peter Cayetano.
Aniya, marami ang nagtatanong kung may naging “deal” kaya lumipat ng panig sina Senador Francis “Chiz” Escudero at Villanueva.
“Maraming nagdududa na ang paglipat nina Sen. Chiz at Sen. Joel ay dahil may deal na hindi na sila sasampahan ng plunder. Totoo man o hindi, sila lamang ang nakaaalam niyan,” pahayag ni Inton.
Dagdag pa niya, kung dati ay sinasabing sasampahan ng plunder ang dalawang senador, tila wala na umano ang mga ito sa radar ng Department of Justice. Samantala, si Senador Jinggoy Estrada, na tumanggi umano sa anomang “deal,” ay kasalukuyang nakakulong.
“Para kina Sen. Chiz at Sen. Joel, mas mabuti nang tawaging Hudas kaysa nasa likod ng rehas,” ani Inton.
Binanggit din niya ang naging boto ng dalawa para sa posibleng conviction ni Vice President Sara Duterte at itinanong kung bahagi rin umano ito ng sinasabing “deal.”
Sa kabila nito, sinabi ni Inton na malinaw na panalo ng Malacañang ang pagkakahalal ni Gatchalian bilang Senate President.
“THE PRESIDENT’S SENATE IS NOW CALLED TO ORDER,” post niya sa social media.
Samantala, nauna nang sinabi ni Inton na mas makabubuting isang mahistrado ng Supreme Court ang mamuno sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang matiyak ang pagiging patas at obhetibo ng proseso.
Ipinaliwanag niya na bagama’t tama ang pananaw ni dating Solicitor General Florin Hilbay na hindi kinakailangang abogado ang mamuno sa impeachment trial, wala namang malinaw na probisyon sa Konstitusyon kung sino ang dapat magsilbing presiding officer kapag hindi Pangulo ang nililitis.
Nakasaad sa Article XI, Section 6 ng Saligang Batas na ang Chief Justice lamang ang mamumuno kapag Pangulo ang sumasailalim sa impeachment trial at wala itong karapatang bumoto.
Dahil dito, sinabi ni Inton na maaaring pag-isipan ang paghirang ng isang Supreme Court justice bilang presiding officer sa kaso ng ibang impeachable officials gaya ng Bise Presidente.
Aniya, mahalaga ang papel ng presiding officer sa pagresolba ng mga pagtutol ng mga abogado, pagpapanatili ng kaayusan sa paglilitis at pagtiyak na maayos ang takbo ng mga pagdinig.
Bagama’t hindi regular na paglilitis sa korte ang impeachment, sinabi niyang naaangkop pa rin dito ang ilang probisyon ng Rules of Court kaya dapat mapanatili ang kredibilidad at integridad ng buong proseso.
112 