VISA-FREE TRAVEL SA RUSSIA HANDA RING IDIGA NI PBBM

HANDA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na talakayin sa pamahalaan ng Russia ang posibilidad ng visa-free travel para sa mga Pilipino upang mas mapalakas ang turismo at people-to-people exchanges sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa isang press conference sa Kazan, Russia, sinabi ng Pangulo na wala siyang nakikitang malaking hadlang upang pag-usapan ng Pilipinas at Russia ang isang kasunduan hinggil sa visa-free travel.

“We did it with India, we’ve done it with China. If it’s something that we feel will be of advantage to both Russia and the Philippines, I don’t see why not,” ani Pangulong Marcos.

Dagdag niya, mahalaga ang pagpapalakas ng turismo at kalakalan kaya maaari itong pag-aralan sa mga susunod na pagkakataon.

Nanghinayang naman ang Pangulo na hindi niya naiparating ang naturang mungkahi sa kanyang maikling pananatili sa Kazan para sa ASEAN-Russia Commemorative Summit.

Samantala, nagpahayag din si Pangulong Marcos ng buong suporta sa pagpapalawak ng direktang flights sa pagitan ng Russia at Pilipinas, partikular sa mga pangunahing tourist destination sa bansa.

“Certainly, yeah. Very strong. Yes. Absolutely,” sagot ng Pangulo nang tanungin kung pabor siya sa mas maraming direct flights mula Russia patungong Pilipinas.

Ayon sa Pangulo, hindi lamang turismo ang makikinabang sa mas maraming biyahe kundi maging ang kalakalan at iba pang uri ng kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa.

Positibo rin aniya ang pagbuo ng air service arrangement sa pagitan ng Irkutsk, Russia at Kalibo, Aklan.

Ayon naman kay Philippine Ambassador to Russia Igor Garlit Bailen, nagsimula na noong nakaraang taon ang chartered flights ng Siberian airline na IrAero mula Irkutsk at Khabarovsk patungong Kalibo.

Binigyang-diin ng Pangulo na mahalagang madagdagan ang bilang ng mga flight upang mas maraming turista at biyahero ang makapunta sa dalawang bansa.

Dagdag pa niya, bahagi ito ng patakaran ng administrasyon na paunlarin ang mga regional airport upang makadiretso ang mga dayuhang turista sa kanilang destinasyon nang hindi na kailangang dumaan pa sa Metro Manila.

(CHRISTIAN DALE)

82

Related posts

Leave a Comment