DE LIMA NAGBABALA SA PAGDAMI NG FAKE NEWS SA IMPEACHMENT

NAGBABALA si Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima sa posibleng pagdami pa ng disinformation, fake news at mga baluktot na naratibo habang papalapit ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ginawa ni De Lima ang pahayag kasabay ng nagpapatuloy na pre-trial proceedings sa Senate impeachment court at pagkalat ng iba’t ibang impormasyon at interpretasyon sa social media tungkol sa impeachment case.

“As these proceedings progress, we can expect more of that, more of disinformation, more of fake news, more of factual distortions, spins of the real stories, of the things that happen as the proceedings progress, lalo na pagdating natin sa trial proper,” ani De Lima.

Nanawagan siya sa publiko at media na maging mapanuri sa pagtanggap at pagpapakalat ng impormasyon, lalo na ang mga nagmumula sa social media.

“So we just have to be very circumspect and careful about receiving things and in our reporting,” dagdag niya.

Walang Inalis na Ebidensya

Nilinaw naman ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na walang anomang documentary evidence ang inalis o isinantabi sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Ginawa ni Luistro ang paglilinaw matapos lumabas ang mga tanong kung mayroon nang mga dokumento, ebidensya o testigong tinanggal habang isinasagawa ang pre-trial conference.

“As to striking off records, no, that is not supposed to happen during pre-trial conference,” ani Luistro sa isang press briefing sa Senado.

Ipinaliwanag niya na hindi saklaw ng pre-trial conference ang pagdedesisyon kung tatanggapin o hindi bilang ebidensya ang mga documentary exhibits.

Ayon kay Luistro, tatalakayin lamang ang admissibility ng mga dokumentaryong ebidensya kapag pormal nang nagsimula ang impeachment trial.

Nakatakdang magsimula ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Hulyo 6.

Pairalin Political Neutrality

Samantala, nanawagan si Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno sa senator-judges na pairalin ang political neutrality sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Diokno, malinaw sa impeachment rules ng Senado na dapat manatiling walang kinikilingan at walang bahid ng pulitika ang mga senator-judges sa pagdinig at pagdedesisyon sa kaso.

“Nakalagay sa impeachment rules ng Senado na lahat ng mahistrado, mga senator-judge, kailangan mag-observe ng una, political neutrality. Ibig sabihin ay walang kulay na pulitika na dapat na papasok sa kanilang pagdinig at sa kanilang pagpapasya,” ani Diokno.

Ginawa niya ang pahayag bilang tugon sa mga alegasyong mayroon nang ilang senator-judges na nakapagpasya kung paano sila boboto bago pa man maiharap ang lahat ng ebidensya.

Binigyang-diin din ni Diokno na kinakailangang manatiling “impartial and objective” ang mga senator-judges sa pagsusuri ng mga testimonya at ebidensyang ihaharap sa paglilitis.

(TINA MENDOZA)

62

Related posts

Leave a Comment