UMAASA ang Department of Justice (DOJ) na mas mapabubuti ang buhay ng mga refugee sa bansa matapos itong makipagkasundo sa isang e-wallet platform upang mapalawak ang kanilang access sa financial services.
Pinangunahan nina Justice Acting Secretary Fredderick Vida at mga opisyal ng GCash ang paglagda sa Memorandum of Understanding (MOU) bilang bahagi ng paggunita sa World Refugee Day noong Hunyo 20.
Ayon kay Government State Counsel Dennis Chan, mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang mga refugee na makapasok sa financial system upang makapagsimulang muli matapos mapilitang lumikas dahil sa kaguluhan at iba pang krisis sa kanilang mga bansa.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa tanggapan ni Supreme Court Associate Justice Ramon Paul Hernando, Anti-Money Laundering Council (AMLC) at United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR).
Naniniwala naman si Bangko Sentral ng Pilipinas Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat na makatutulong ang kasunduan upang maging mas produktibong bahagi ng lipunan ang mga refugee sa pamamagitan ng trabaho, pagnenegosyo at pag-aaral.
“Today’s event is about expanding opportunities for people whose lives have been shaped by circumstances beyond their control. It is about ensuring that refugees, asylum seekers, and stateless persons are not merely recognized under the law, but are also given a genuine opportunity to participate in society, support themselves and their families, and contribute positively to the communities in which they live,” ani Vida.
Batay sa tala ng DOJ, nasa halos 1,000 refugee ang kasalukuyang kinikilala ng gobyerno at ng United Nations sa Pilipinas.
(JULIET PACOT)
61 