Sa VPSD impeachment 62 TRIAL DATES HIRIT NG HOUSE PROSEC PANEL

IPINAKILALA kahapon ng prosecution panel ang kanilang bagong legal spokesperson sa katauhan ni Atty. Benjamin Tolosa Jr. upang palakasin ang kanilang laban sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. (DANNY BACOLOD)

HUMILING ang House prosecution panel ng kabuuang 62 trial dates para sa presentasyon ng mga ebidensya at testigo sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Mas mataas ito kumpara sa 30 trial dates na hinihiling ng depensa, ayon kay House legal spokesperson at private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr.

“The prosecution asked for 62 trial dates and the defense asked for 30,” ani Tolosa.

Gayunman, nilinaw niyang hindi nangangahulugan na tatagal ng 62 araw ang paglilitis dahil maaari itong mapaikli kung papayagan ng impeachment court ang presentasyon ng higit sa isang testigo kada araw.

Nakapagtataka rin umano na 30 trial dates lamang ang hinihiling ng depensa kahit may nakalista itong 97 testigo sa kanilang pre-trial brief.

“So it’s a question of how come they listed 97 witnesses but they only asked for 30 trial dates,” paliwanag ni Tolosa.

“Maybe it is an indication that there’s really no intention to produce all of those witnesses, but of course, we don’t want to pre-empt what actions they would want to do,” dagdag pa niya.

Ayon kay Tolosa, mayroong 51 common witnesses ang magkabilang panig, kabilang ang 16 na pinangalanang testigo at 35 iba pa na tinukoy lamang batay sa kanilang opisina o ahensya.

Kabilang dito ang mga kinatawan mula sa Office of the Vice President at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Bukod dito, sinabi niyang 248 sa kabuuang 276 documentary exhibits ng prosecution panel ay isinama rin ng depensa sa kanilang listahan ng ebidensya.

“For the exhibits, we have 248 common exhibits, meaning 248 out of the 276 exhibits of the prosecution were basically copied also in their pre-trial brief or listed also as their evidence,” aniya.

Ang pinal na bilang ng trial dates na ilalaan sa bawat panig ay nakadepende pa rin sa pre-trial order na ilalabas ng Senate impeachment court.

Pre-Trial Umusad Na

PUMASOK na sa ikalawang araw ang pre-trial conference kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Inaasahang ipagpapatuloy ng House prosecution panel at defense team ni Duterte ang pagmamarka ng mga ebidensya at pagtalakay sa stipulation o mga katotohanang maaaring pagkasunduan ng magkabilang panig.

Sa apat na articles of impeachment, ang ebidensya at mga testigo para sa ikatlong artikulo pa lamang ang halos napagkasunduan ng dalawang kampo.

Noong unang araw ng pre-trial conference, nagkaroon ng mainit na palitan ng argumento ang prosecution at defense panel, bagama’t iginiit ng magkabilang panig na normal lamang ito sa ganitong uri ng pagdinig.

Matatandaang sinabi ni defense spokesperson Michael Poa na umaasa silang matatapos ang pre-trial conference sa pinakamaagang panahon.

Samantala, sinabi ni House prosecutor Rep. Chel Diokno na target nilang matapos ang pre-trial conference ngayong Lunes o sa pinakahuli ay Martes, Hunyo 23.

Layunin ng pre-trial conference na pagtibayin ang mga katotohanan sa kaso, pasimplehin ang mga isyu, markahan ang mga ebidensya, resolbahin ang mga pagtutol, tukuyin ang mga testigo at itakda ang iskedyul ng presentasyon ng mga ebidensya.

Nakatakdang magsimula ang pormal na impeachment trial sa Hulyo 6 maliban na lamang kung mababago ang iskedyul habang nagpapatuloy ang pre-trial proceedings.

Luistro ‘di Papayag Lamunin Nang Buhay

ITINANGGI naman ng House Prosecution Team ang mga ulat na umano’y natalo sila ng depensa sa unang araw ng pre-trial conference sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa press briefing sa Senado, sinabi ni Cong. Gerville Luistro na fake news ang kumalat na balita na “nilamon nang buhay” ng defense team ang prosecution panel.

Babala ni Luistro, asahan na ang pagdami ng misinformation at fake news habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings kaya dapat maging mapanuri ang publiko.

“Hindi ko papayagan na lamunin nang buhay ang laban ng sambayanang Pilipino,” diin ni Luistro.

Ipinaliwanag naman ni Atty. Benjamin Tolosa Jr., legal spokesman ng prosecution team, na sinubukan umano ng depensa na talakayin ang voting threshold para sa conviction sa impeachment case.

Agad naman itong tinutulan ni Luistro dahil hindi aniya ito kabilang sa mga usaping dapat pagtalunan sa pre-trial conference.

Samantala, target ni Impeachment Clerk of Court Renato Bantug Jr. na mailabas ang pre-trial order bago sumapit ang Hunyo 25.

Bibigyan din ng pagkakataon ang magkabilang panig na magsumite ng komento o humiling ng pagbabago sa pre-trial order bago ang trial proper sa Hulyo 6.

Bagong Legal Spokesman

Kahapon itinalaga si Tolosa Jr., bilang bagong legal spokesman bukod pa sa dalawang kongresistang tumatayong opisyal na tagapagsalita ng prosecution panel. Kabilang din siya sa hanay ng private prosecutors sa impeachment proceedings.

Ayon kay Cong. Gerville Luistro, si Tolosa ay founding at managing partner ng Tolosa, Lim and Chua Law Firm at namumuno sa litigation and dispute resolution practice ng naturang law firm.

Bukod dito, nagsisilbi rin umano siyang abogado ng ilang malalaking korporasyon.

Mananatili naman bilang House Trial Spokespersons sina Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong at Kabataan Rep. Renee Co sa nagpapatuloy na impeachment proceedings.

(TINA MENDOZA/DANG SAMSON-GARCIA)

40

Related posts

Leave a Comment