INILAGAY na sa restrictive custody ang policewoman na tiyahin ng isa sa dalawang menor de edad na suspek sa pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City.
Ito ang kinumpirma ng National Police Commission (Napolcom) habang iniimbestigahan ang posibleng administrative liability ng pulis na umano’y may-ari ng baril na ginamit sa madugong insidente.
Ayon kay Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer Rafael Vicente Calinisan, magsasagawa sila ng motu proprio investigation kasabay ng imbestigasyon ng Philippine National Police.
“I have directed our Napolcom Regional Director of Region 8, Dir. Risty Sibay, to expedite their investigation,” ani Calinisan.
Kinumpirma naman ni Police Regional Office-8 Director BGen. Jason Capoy na ni-relieve na sa puwesto ang nasabing policewoman at kasalukuyang nasa restrictive custody habang inihahanda ang administrative case laban dito.
Batay sa imbestigasyon, ang 40 basyo ng bala na narekober sa crime scene ay pawang mula umano sa 9mm Glock pistol na inisyu sa policewoman.
Samantala, ang .38 caliber revolver na ginamit ng isa pang suspek ay napag-alamang pag-aari ng kanyang lolo na dating security guard.
Lumabas din sa imbestigasyon na nakapagpalit pa ng magasin ang isa sa mga menor de edad na suspek dahil umano sa dati nitong karanasan sa isang shooting range.
Ayon kay Calinisan, maaaring maharap ang policewoman sa reklamong grave misconduct o grave neglect of duty na may katumbas na suspensyon, demotion o maging pagtanggal sa serbisyo.
(JESSE RUIZ)
83 