SINISILIP na ng Department of Justice (DOJ) ang posibilidad na hindi lamang simpleng kaso ng bullying ang nasa likod ng naganap na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, kabilang sa mga tinitingnang anggulo ng mga imbestigador ang posibleng impluwensya ng violent extremism, katulad ng mga naganap na school shootings sa ibang bansa.
Paliwanag ni Martinez, madaling maimpluwensyahan ang mga kabataan, lalo na sa mga nilalamang napapanood at nakikita nila online.
Binigyang halimbawa niya ang Columbine High School shooting noong 1999 sa Estados Unidos na ikinasawi ng 13 katao.
Dahil dito, iginiit ng DOJ ang kahalagahan ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang behavioral patterns at iba pang posibleng motibo ng mga sangkot sa krimen.
Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na posibleng may kaugnayan sa bullying ang madugong insidente na ikinasawi ng apat na estudyante at ikinasugat ng marami pang iba.
Samantala, tumanggi munang magbigay ng posisyon ang DOJ kaugnay ng panukalang ibaba ang edad ng criminal liability kasunod ng trahedya sa Tacloban City.
Ayon kay Martinez, nasa kapangyarihan ng Kongreso ang pagtalakay at pagpapasya sa naturang panukala.
“I think that’s within the domain of legislature. Nasa mga lawmaker na natin ‘yan,” ani Martinez.
“Nasa mga mambabatas natin ang mandato na alamin kung may pagkukulang ba o wala,” dagdag pa niya.
(JULIET PACOT)
88 