PH NAVY CONTINGENT NASA HAWAII NA PARA SA RIMPAC 2026

DUMATING na sa Joint Base Pearl Harbor sa Hawaii ang Philippine Navy contingent sakay ng BRP Miguel Malvar (FFG-06) para lumahok sa malakihang Rim of the Pacific (RIMPAC) Exercise 2026.

Pormal na sinalubong ni Philippine Consul General Arman Talbo at ng Philippine Consulate General sa Honolulu ang delegasyon ng Pilipinas para sa pagsasanay na gaganapin mula Hunyo 24 hanggang Hulyo 31.

Pangungunahan ng BRP Miguel Malvar, ang pinakabagong guided-missile frigate ng Philippine Navy, ang Naval Task Group 84 sa multinational military exercise.

Kasama rin sa delegasyon ang humigit-kumulang 45 miyembro ng Philippine Marine Corps.

Makikilahok din sa RIMPAC 2026 ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301) ng Philippine Coast Guard, na kauna-unahang pagkakataon na opisyal na sasabak ang PCG sa naturang pagsasanay.

Bago pa man makarating sa Hawaii, nakibahagi na ang BRP Miguel Malvar sa mga joint drills kasama ang mga hukbong-dagat ng Singapore, South Korea, Japan at Italy, kabilang ang live-fire air defense exercises at formation maneuvers.

Itinuturing na mahalagang deployment ang paglahok ng Pilipinas dahil ipinapakita nito ang modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines sa ilalim ng Sail Plan 2040.

Kasabay rin ito ng pagdiriwang ng ika-80 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos.

“To our officers and crew, know that you have the full support of the Philippine Consulate and the Filipino community here in Hawaii,” ani Consul General Talbo.

Samantala, sinabi ng kapitan ng BRP Miguel Malvar na ang barko ay simbolo ng lumalakas na kakayahang pandagat at pagmamalaki ng bawat Pilipino.

(JESSE RUIZ)

80

Related posts

Leave a Comment