MAHIGIT isang buwan umanong pinagplanuhan ng dalawang menor de edad ang naganap na pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City, ayon kay Police Regional Office-8 (PRO-8) Director PBGen Jason Capoy.
Sa panayam sa telepono ng mga mamamahayag sa Camp Crame, sinabi ni Capoy na noong Mayo 1 pa lamang ay pinag-uusapan na ng dalawang suspek ang kanilang balak na isagawang krimen.
Ayon sa opisyal, pinag-usapan din ng mga suspek kung kailan pinakamainam isagawa ang pamamaril at maging ang posibleng kahihinatnan ng kanilang kaso matapos ang insidente.
Kinumpirma rin ni Capoy ang kumalat na screenshots ng umano’y pag-uusap ng dalawang suspek kung saan nakasaad kung paano nila ipupuslit ang baril mula sa kanilang bahay, pati ang mga damit na kanilang isusuot sa araw ng krimen.
Sinabi pa ni Capoy na isa sa mga suspek ay naimpluwensyahan umano ng larong GoreBox, isang marahas na video game na gumagamit ng iba’t ibang armas at nagpapahintulot sa mga manlalaro na lumikha ng kaguluhan sa virtual environment.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya pa rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawang menor de edad na suspek.
Samantala, iginiit ni Senador Kiko Pangilinan ang pangangailangang mahigpit na ipatupad ang Juvenile Justice Law kaugnay ng madugong insidente.
Ayon kay Pangilinan, hindi maaaring basta pakawalan ang mga suspek kahit menor de edad at kinakailangang sumailalim ang mga ito sa mga intervention program na itinatadhana ng batas.
Kinondena rin ng senador ang pamamaril at nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi at nasugatan.
“Walang lugar ang karahasan sa ating lipunan, lalo na sa mga lugar na dapat ay ligtas para sa mga bata,” ani Pangilinan.
Nanawagan din siya ng mabilis at tamang pagpapatupad ng batas, kabilang ang pagtukoy sa posibleng pananagutan ng mga magulang kung mapatutunayang nagkaroon ng kapabayaan.
Dagdag pa nito, nakasaad sa batas na dapat mabigyan ng DSWD ng sapat na suporta ang mga biktima at kanilang pamilya hanggang makamit ang hustisya.
(TOTO NABAJA/DANG SAMSON-GARCIA)
55 