VIDEO NG SCHOOL VIOLENCE HUWAG NANG IKALAT – PNP

NANAWAGAN ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na huwag nang ipakalat o i-share ang mga video ng karahasan sa mga paaralan kasunod ng mga insidenteng naganap sa Tacloban City at General Trias City, Cavite.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., ang walang habas na pagpapakalat ng mga graphic videos ay lalo lamang nagpapahirap sa mga biktima at kanilang mga pamilya.

“The reckless circulation of graphic videos depicting these school tragedies is not just a digital nuisance, it is a profound act of cruelty that re-victimizes survivors and forces grieving families to relive their worst nightmares repeatedly,” ani Nartatez.

Hinimok din ng heneral ang mga content creator at social media users na burahin at huwag nang ipasa o i-share ang mga naturang video upang hindi na madagdagan pa ang trauma ng mga biktima, kanilang pamilya, maging ng mga kamag-anak ng mga suspek.

“Your desire for online engagement should never come at the cost of human dignity or the sanctity of an ongoing police investigation,” dagdag niya.

Nauna nang umapela ang Bethel Academy of General Trias Cavite Inc. sa publiko na itigil ang pagpapakalat ng CCTV footage kaugnay ng stabbing incident sa loob ng kanilang paaralan na ikinasugat ng pitong Grade 5 students noong Hunyo 16.

Sa inilabas na pahayag ng paaralan, hiniling nito sa mga nakapanood o nakatanggap ng video na huwag na itong ipasa pa at agad na burahin sa kanilang mga account.

Kasabay nito, sinabi ng General Trias City Police na iniimbestigahan na nila ang pagkalat ng leaked videos.

“The public is advised not to share, repost, upload, or disseminate these videos on social media or other online platforms. Individuals found spreading such content may be held liable under applicable laws,” ayon sa pulisya.

Nag-viral sa social media ang 32-second video na nagpapakita ng isang babaeng estudyante na paulit-ulit na nanaksak ng ilang kaklase sa loob ng classroom, na nagdulot ng matinding takot at kaguluhan sa mga mag-aaral.

Tatlong araw matapos ang insidente sa General Trias, isang senior high school student naman ang nanakit ng kaklase sa Cavite City.

Noong Hunyo 22, dalawang menor de edad na may edad 14 at 15 ang umano’y nagpaputok ng baril sa loob ng San Jose National High School sa Tacloban City, kung saan tatlong estudyante ang nasawi at 13 iba pa ang nasugatan.

Dahil dito, inatasan ni Nartatez ang PNP Anti-Cybercrime Group na makipag-ugnayan sa mga social media platform upang maalis o malagyan ng restrictions ang mga kumakalat na video.

(JESSE RUIZ)

61

Related posts

Leave a Comment