11 INDIBIDWAL INIREKOMENDANG KASUHAN SA PAGKAMATAY NINA BATERBONIA AT ADILI

INIREKOMENDA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act No. 11053 o Anti-Hazing Act laban sa 11 indibidwal kaugnay ng pagkamatay ng Ateneo student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.

Kabilang sa mga inirekomendang kasuhan sina head coach Thomas Anthony Baldwin; strength and conditioning coaches Grant Dearns at Ceasar Vincent Javellana Elumba; assistant coaches Dean Caesar B. Castaño, Sandro Nicholas Romero Soriano, at Reynaldo C. Jacinto Jr.; student managers Paolo Manuel Maceda Adevoso at Andrew Lorenzo Bondoc Salud; physical therapist John Eric Quiambao Rueca; at utilities/ball boys na sina Aris Ramos Pronce at Joel Palmiano Rapa.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, lumampas umano sa simpleng team-building activity ang isinagawang aktibidad ng Ateneo Blue Eagles at nagkaroon na ito ng mga elemento ng hazing.

Sinabi ni Remulla na nakita sa insidente ang mga elementong nakasaad sa Anti-Hazing Act, kabilang ang pisikal o sikolohikal na pagdurusa na nauwi sa pagkamatay ng dalawang estudyante.

Nabatid din umano sa imbestigasyon na isinagawa ang team-building activity bilang batayan sa pagpili ng mga manlalarong maisasama sa opisyal na line-up ng koponan, kung saan 17 lamang sa 20 players ang mapipili.

Isa rin sa mga tinukoy na elemento ng hazing ang paglalantad sa mga kalahok sa mapanganib na kondisyon sa dagat, kabilang ang malalakas na alon, rip currents, at pabagu-bagong lalim ng tubig. Lumabas din sa imbestigasyon na pinili ang petsang Hunyo 7 hanggang Hunyo 13 dahil sa low tide sa umaga.

(TOTO NABAJA)

110

Related posts

Leave a Comment