KUMPANYA TALO SA KASONG ILLEGAL DISMISSAL NG EMPLEYADO

TINABLA ng Korte Suprema ang isang kumpanya matapos mapatunayang nagkasala sa illegal dismissal ng isang empleyadong idineklarang AWOL dahil sa pagliban sa trabaho.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Maria Filomena Singh, sinabi ng Third Division na hindi sapat na batayan ang pagliban ni Alvin Carpio dahil sa karamdaman upang siya’y sibakin, kahit pa hindi ito nakapagpaalam sa kanilang opisina.

Lumabas sa records na ilang ulit na lumiban si Carpio sa trabaho hanggang ideklarang AWOL dahil umano sa serious misconduct at gross neglect of duty, na naging basehan ng kanyang dismissal.

Una nang inireklamo ni Carpio ang kumpanya ngunit ibinasura ang kanyang kaso hanggang sa Court of Appeals bago tuluyang binaligtad ng Korte Suprema.

Ayon sa SC, upang maituring na abandonment, kailangang mapatunayan na walang sapat na dahilan ang pagliban ng empleyado at malinaw na layunin nitong putulin ang employer-employee relationship.

Bagama’t hindi awtorisado ang kanyang pagliban, sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na walang ebidensyang inabandona ni Carpio ang kanyang trabaho dahil sinubukan pa nitong bumalik sa kompanya at kinuwestiyon ang kanyang illegal dismissal.

Sa dissenting opinion naman ni Associate Justice Japar Dimaampao, iginiit nitong tama ang dismissal dahil nabigo si Carpio na magsumite ng medical certificate at wala ring patunay na hindi sana maaaprubahan ang kanyang leave kung sinunod ang tamang proseso.

(JULIET PACOT)

113

Related posts

Leave a Comment