AABOT sa ₱860 milyon ang halaga ng mga iligal na sigarilyo ang nasamsam sa ikinasang joint anti-smuggling operation ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Cebu, katuwang ang Philippine Coast Guard (PCG), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Bureau of Internal Revenue (BIR).
Ayon sa BOC, naharang ng mga awtoridad ang 11 na 40-foot container van na naglalaman ng mga iligal na sigarilyo na may kabuuang halagang tinatayang ₱860 milyon.
Sa paunang imbestigasyon, lumabas na ang mga kontrabando ay ipinapasok sa mga lokal na ruta gamit ang isang lokal na shipping company upang maipamahagi.
Nag-ugat ang operasyon sa intelligence information ng BOC na nagresulta sa pagkakaharang ng dalawang container van sa Mandaue City noong Hunyo 24.
Ang impormasyon mula sa mga driver ang nagdala sa mga awtoridad sa isang container yard sa Barangay Bacayan, Cebu City, kung saan nadiskubre ang anim pang container van na puno rin ng mga iligal na sigarilyo.
Kalaunan, itinuro rin ng trucking company representatives ang tatlo pang container na hindi pa naibaba sa isang pribadong pasilidad sa Mandaue City. Nang inspeksyunin, nakumpirmang naglalaman din ang mga ito ng iligal na sigarilyo kaya umabot sa 11 container van ang kabuuang nasamsam.
Pinuri ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang mga operating team at tiniyak na hindi titigil ang Bureau of Customs sa kampanya laban sa iligal na kalakalan ng sigarilyo.
“Hindi tayo titigil sa pagsugpo sa iligal na kalakalan ng sigarilyo na nagpapahina sa lehitimong negosyo at nagkakait ng kita para sa pamahalaan. Sa pamamagitan ng patuloy na intelligence operations at pakikipagkoordinasyon sa ating mga partner agencies, patuloy nating uusigin ang mga responsable,” ani Nepomuceno.
Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Port of Cebu sa shipping line upang matunton ang pinagmulan ng mga container habang isinasagawa ang inventory at final valuation ng mga nasamsam.
Ang operasyon sa Cebu ay kasunod ng naunang pagkakasamsam ng BOC sa 23 container ng iligal na sigarilyo na nagkakahalaga ng halos ₱1.7 bilyon sa Maynila.
Dahil dito, umabot na sa tinatayang ₱2.5 bilyon ang kabuuang halaga ng mga iligal na sigarilyong nasamsam ngayong linggo.
Pinuri rin ni District Collector Alexandra Yap-Lumontad ang matagumpay na joint operation at iginiit na patuloy nilang paiigtingin ang pakikipagtulungan sa iba pang ahensya laban sa smuggling.
(JESSE RUIZ)
118 