PATAY SA M7.8 LINDOL, 9 PA LANG ANG KUMPIRMADO – NDRRMC

UMAKYAT na sa 81 ang naiulat na nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Maasim, Sarangani at mga karatig-lugar noong Hunyo 8, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Batay sa pinakahuling datos, 33 sa mga nasawi ay mula sa Sarangani, 27 sa South Cotabato, 20 sa Davao Occidental, at isa sa Davao del Sur.

Gayunman, sinabi ng NDRRMC na siyam pa lamang sa kabuuang death toll ang kumpirmado at pawang mula sa Davao Region, habang ang 72 iba pa ay patuloy pang bina-validate, kabilang ang 12 mula sa Davao Region at 60 mula sa Soccsksargen.

Naitala rin ng ahensya ang 1,315 nasugatan at 31 katao ang nananatiling nawawala.

Aabot sa 382,629 pamilya o 1,633,161 katao mula sa 620 barangay sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang naapektuhan ng lindol.

Samantala, umabot na sa 87,058 kabahayan ang napinsala sa Regions 9, 11, 12 at BARMM, habang nananatili sa ₱1.356 bilyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura.

(JESSE RUIZ)

105

Related posts

Leave a Comment