ABOGADA, NAKALAYA MATAPOS MAKAPAGPIYANSA SA 8 COUNTS NG CYBER LIBEL

HUMARAP sa mga mamamahayag si Atty. Marian Dupal-ag matapos makalaya mula sa pagkakakulong nang makapagpiyansa ng kabuuang ₱640,000 kaugnay ng walong (8) bilang ng kasong cyber libel na isinampa laban sa kanya.

Isinampa ang mga kaso ng pamunuan ng Kolehiyo ng Lungsod ng Dasmariñas (KLD) dahil umano sa mga ipinost ni Dupal-ag sa kanyang Facebook page noong nakaraang taon na itinuturing na mapanirang komento.

Ayon kay Dupal-ag, isang gabi siyang nanatili sa kulungan kung saan nakihalubilo siya sa ibang mga detenido, pumila para sa pagkain, dumaan sa karaniwang booking procedure, nagsuot ng dilaw na T-shirt at sumailalim sa mug shot nang walang anomang special treatment.

Inihayag din nito na inilabas ang warrant of arrest noong Hunyo 20, 2026 at kusa siyang sumuko sa mga awtoridad.

Nag-ugat ang reklamo sa Facebook post na inilabas niya noong Hunyo 19, 2025 tungkol sa mga bitak na nakita niya sa gusali ng KLD, na ayon sa kanya ay layunin lamang iparating sa kinauukulan bilang usaping pangkaligtasan.

Matapos ang naturang post ay nagsagawa ng ocular inspection sa gusali. Bagama’t hindi siya kasama sa inspeksyon, sinabi umanong ligtas ang gusali at ang mga bitak ay dulot lamang ng paghina ng lupa.

Ang pagsasampa ng cyber libel case laban kay Dupal-ag ay unanimous na inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Dasmariñas.

Samantala, umugong din ang balitang plano umanong tumakbo ni Dupal-ag bilang kongresista sa nakatakdang special election kasunod ng pagkakatanggal sa puwesto ni Rep. Francisco “Kiko” Barzaga noong Hunyo 2, 2026.

Nanawagan naman si Dupal-ag sa kanyang mga kaibigan at kliyente na huwag mag-alala habang kinakaharap niya ang mga kasong isinampa laban sa kanya.

(SIGFRED ADSUARA)

107

Related posts

Leave a Comment