PAGPATAY SA DATING BISE ALKALDE AT ANAK, PLANADO – PNP

INIHAYAG ng Philippine National Police (PNP) na planado ng tatlong suspek ang pagpatay kay dating Abuyog, Leyte Vice Mayor James Bohol at anak nito.

Sa isinagawang pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Anti-Kidnapping Group Director BGen. Edwin Balles, kusa umanong umamin ang tatlong suspek sa kanilang ginawang krimen.

Nauna rito, iniulat na sapilitang isinakay mula sa kanilang warehouse ng mga suspek ang mag-amang Bohol sa Mayorga, Leyte.

Makalipas ang ilang araw, natagpuan ang kanilang bangkay sa isang bangin sa Barangay Imelda, Silago, Southern Leyte.

Nagpadala ng surrender feeler ang tatlo hanggang sa sumuko at naaresto ng mga tauhan ng Anti-Kidnapping Group, Criminal Investigation and Detection Group at Police Regional Office 8 noong Martes, Hunyo 30, dakong alas-9:00 ng gabi sa Pasay City.

Nakilala ang mga suspek na sina Kim Taboy Solayao, Reniel Galza at Mark James Generales Taboy, kapwa mga residente ng Basey, Samar.

Ayon kay Balles, inamin ng mga suspek na paulit-ulit nilang pinukpok ng matigas na bagay, na pinaniniwalaang dumbbell, ang mga biktima bago pinagsasaksak at itinapon sa bangin.

Napag-alaman na isa sa mga suspek ay kasosyo sa negosyong mantika ng dating bise alkalde.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng AKG ang 3 suspek habang isinasailalim sa inisyal na proseso bago ilipat sa kustodiya ng Police Regional Office 8 para sa karagdagang imbestigasyon.

(TOTO NABAJA)

94

Related posts

Leave a Comment