INAPRUBAHAN na ng Civil Service Commission (CSC) ang mga bagong posisyong nilikha sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 12080, o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ipinakikita lamang ng hakbang na ito ang patuloy na komitment ng pamahalaan na patatagin ang kamalayan sa mental health, at mga serbisyong sumusuporta sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga komprehensibong programa sa mga paaralan.
Sa pamamagitan ng CSC Resolution No. 2600920, opisyal nang inaprubahan ng komisyon ang Qualification Standards para sa mga posisyon ng Schools Division Counselor (SDC), School Counselor I–IV, at School Counselor Associate (SCA) I–V.
“The approval of the Qualification Standards is a major milestone in the implementation of RA 12080. It establishes the professional standards for our school counseling workforce and brings us closer to ensuring that learners across the country have greater access to quality mental health and psychosocial support services in our schools,” pahayag ni Angara.
“By rolling out this dedicated workforce of counselors and counselor associates, we are taking a concrete step toward fulfilling the directive of President Bongbong Marcos to transform our schools into centers of genuine care, protection, and well-being,” dagdag niya.
Dahil sa pagkakapasa ng mga pamantayang ito, maaari nang simulan ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglikha ng 10,000 posisyon para sa School Counselor Associate I na itatalaga sa mga pampublikong paaralan simula School Year 2026-2027.
Ang pagbubukas ng mga posisyong ito ay ang unang bahagi ng implementasyon para sa pagbuo ng school counseling workforce sa ilalim ng RA No. 12080.
Sinabi pa ng kalihim, isang kritikal na hakbang ang pagbuo sa mga posisyong ito upang mapalawak ang counseling services sa loob ng mga eskwelahan at mapatibay ang suporta sa mga mag-aaral sa buong sistema ng basic education.
Kasunod nito, inihahanda na rin ng DepEd ang mga kinakailangang alituntunin sa pagpapatupad upang simulan ang recruitment, appointment, at deployment ng mga kwalipikadong School Counselor Associate alinsunod sa mga batas at regulasyon ng civil service.
Tiniyak pa ni Angara na mananatiling nakikipagtulungan ang Kagawaran sa mga katuwang na ahensya upang masiguro ang agarang pagpuno sa mga kritikal na posisyong ito para sa mental health.
(NEP CASTILLO)
113 