MARIING kinondena ni Senador Erwin Tulfo ang mga pahayag ng Chinese scholars na bahagi ng teritoryo ng Tsina ang Batanes.
“Noon, inaangkin nila na sa kanila ang West Philippine Sea, ngayon pati Batanes teritoryo na rin nila? Ano na ang susunod? Palawan? Zambales? Cagayan?” babala ni Tulfo, habang binabatikos ang mga naging pahayag ng Chinese scholars na sila ang may soberanya sa Batanes at tinawag itong “natural geographical extension” ng Taiwan, sa isang symposium noong Hunyo 30.
Binigyang-diin din ni Tulfo na tila “timing” ang nasabing pag-angkin na pumatak pa sa ika-10 anibersaryo ng makasaysayang 2016 Arbitral Ruling na pabor sa Pilipinas.
“Isang kabalintunaan na kinakaharap natin ang ganitong pag-angkin sa mismong 10th anniversary ng tagumpay ng Pilipinas sa 2016 Arbitral Ruling na nagdeklarang atin ang West Philippine Sea (WPS),” diin ng Senador.
Dahil dito, muling iginiit ni Tulfo ang pagpasa sa inihain niyang Senate Bill 1625 o ang “West Philippine Sea Education Act,” na nakikita niyang isa sa proactive measures upang mapigilan ang disimpormasyon ukol sa teritoryo ng bansa.
“Kailangan nating kumilos nang mabilis upang matiyak na ang mga Pilipino ay hindi madaling mauto ng mga ganitong uri ng pag-angkin. Sa Basic Education pa lang, dapat ay malaman na ng mga Pilipino ang mga aral tungkol sa soberanya ng Pilipinas,” pahayag ni Tulfo.
“Kung magiging batas ito, magkakaroon ng mga age-appropriate na pagtuturo na nakabatay sa mga katotohanang kinikilala sa buong mundo, mga desisyon ng Korte Suprema, at mga batas ng Pilipinas na isasama sa mga learning materials,” dagdag pa ng Senador.
Inaatasan din ng panukalang batas ni Tulfo ang Department of Education na magsagawa ng kaukulang pagsasanay para sa mga guro at instructors ukol sa WPS Education.
Para sa bagitong Senador, ang pagkakaroon ng kaalaman sa teritoryo ng bansa ay hindi lamang usapin ng pagiging makabayan, kundi isang praktikal na paraan upang ipaalam sa mamamayan kung ano ang karapat-dapat na sa atin hindi lang sa papel kundi maging sa mga likas na yaman.
“Ang mga walang basehang pag-angkin na pagmamay-ari ng ibang bansa ang ilang bahagi ng Pilipinas ay hindi dapat paniwalaan at dapat na iwasan sa lahat ng pagkakataon. Patuloy tayong maninindigan na ipagtanggol ang ating teritoryo at protektahan ang kung ano ang nararapat para sa mamamayang Pilipino,” pagtatapos ni Tulfo.
85 