PINUNA ni Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) President Atty. Ariel Inton ang isang viral video na nagpapakita umano ng pag-abuso ng isang lokal na opisyal sa paggamit ng escorts sa gitna ng matinding trapiko sa Laguna.
Sa isang post ng VISOR na naglalaman ng dashcam footage ng isang netizen, inireklamo ang isang convoy ng mga sasakyan na may kasamang mga motorsiklong gumagamit ng sirena at blinkers habang binabagtas ang matinding daloy ng trapiko sa lalawigan.
Kalaunan ay inamin ng isang konsehal sa kanyang opisyal na pahayag na siya ang sakay ng naturang sasakyan at ipinaliwanag na kinailangan umano niya ng “traffic assistance” dahil sa mabigat na daloy ng trapiko sa Los Baños at Sta. Cruz bunsod ng mga kasalukuyang road works sa lugar.
Ayon sa konsehal, kinakailangan niyang makarating sa kapitolyo bago mag-ala-una ng hapon upang magampanan ang kanyang mga tungkulin bilang halal na opisyal.
Hiniling din nito ang pang-unawa ng publiko dahil umano ay masasayang ang pondo ng taumbayan kung hindi niya matutupad ang kanyang obligasyon bilang isang lingkod-bayan.
Sinabi rin ng konsehal na siya ay kasalukuyang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Calamba, presidente ng Philippine Councilors League (PCL)-Laguna Chapter, at board member ng Lalawigan ng Laguna.
Gayunman, sinabi ni Inton na hindi katanggap-tanggap ang naturang paliwanag.
“Konsehal, noon ka lang ba may escorts o maraming beses na? Hindi ba mas nasayang ang taxpayers’ money sa pag-escort sa iyo? Wala bang ibang paraan para maka-attend ka ng sessions nang hindi nag-aasta na VIP sa lansangan? Lahat ba ng konsehal sa bayan ninyo ay may escorts para sa traffic assistance?” ani Inton.
Ipinaalala rin ng abogado na batay sa mga memorandum ng Philippine National Police (PNP) at Land Transportation Office (LTO), limitado lamang sa ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ang maaaring magkaroon ng escorts.
Kabilang dito ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senate President, Speaker ng House of Representatives at Chief Justice ng Korte Suprema.
“Wala sa listahan ang konsehal, PCL president o board member ng lalawigan,” dagdag ni Inton.
Ayon pa sa abogado, lahat ng motorista ay nakararanas ng matinding trapiko at hindi lamang ang mga opisyal ng gobyerno ang may mahahalagang pupuntahan.
Aniya, mahirap maunawaan ng mga ordinaryong motorista ang paggamit ng escorts para lamang makalusot sa mabigat na daloy ng trapiko.
Umaasa rin si Inton na hindi ito magiging halimbawa sa iba pang mga lokal na opisyal sa lalawigan.
51 