BOC WALANG KASALANAN SA ISYU NG ABANDONADONG BALIKBAYAN BOXES

RAPIDO ni PATRICK TULFO

SA ilang taon naming pagtulong sa libu-libo nating mga kababayang OFWs at mga pamilya nila na nagkaroon ng problema sa naabandona nilang balikbayan boxes, may mga natutunan kami ukol dito.

Una ay walang kasalanan ang Bureau of Customs (BOC) sa usapin dahil ang trabaho ng ahensya ay nakasentro lang sa pagproseso ng mga dumarating na mga kargamento mula sa ibang bansa upang siguraduhin na pawang balikbayan boxes lamang ang laman ng mga container at hindi ito nahaluan ng ipinagbabawal na mga bagay tulad ng droga.

In fact, pangalawa sa dalawang pangunahing dahilan ang isyu ng pagkakasamsam ng droga sa ilang containers na naglalaman ng balikbayan boxes.

At ang pinakaunang dahilan ay ang pag-aabandona ng mga deconsolidator sa mga container na dapat ay nailabas ilang araw matapos na dumating ito sa port at hindi naman kinakitaan ng anomang problema.

Ilang beses ko nang sinabi at naisulat na ang dahilan ng pag-aabandona ay ang hindi pagbabayad sa local partners ng cargo companies na pinadadalhan ng mga biktima.

Isang malaking problema sa Customs ito dahil wala naman sa mandato o trabaho ng bureau ang mag-deliver ng mga abandonadong balikbayan boxes.

Ang pwede lang pong i-auction ay ‘yung containers na naglalaman ng commercial items at hindi po ang balikbayan boxes. Kaya po natetengga nang matagal ito sa yarda dahil naghahanap ng paraan o pondo ang Customs para mai-deliver ang mga ito.

Hindi naman pwedeng puwersahin ng Customs ang deconsolidators na idinadahilan ay ang pagkalugi kaya napipilitan silang iabandona ang containers na responsibilidad nila.

Isa sa mga solusyon na naisip ng Customs ay ipasa sa Department of Migrant Workers ang isyu dahil nasa mandato naman talaga ng DMW ang problemang ito na ang biktima ay mga OFW.

Pumalya ang DMW rito, dahil mistulang ayaw hawakan ng ahensiya ang problemang ito at nangapa sa dilim kung ano ang gagawin matapos na ipasa ng Customs sa kanila ang responsibilidad.

Sa katunayan ay may utang pa sa LOGO cargo, na pag-aari ni Mr. Joel Longares, na siya ring tumatayong pangulo ng Door-to-Door Consolidators Association of the Phils. (DDCAP), ang DMW sa delivery nito sa Tag Cargo Balikbayan boxes.

87

Related posts

Leave a Comment