PAMILYA NG MISSING SABUNGEROS ITINANGGI AREGLO KAY ATONG ANG

PINABULAANAN ng ilang kapamilya ng mga nawawalang sabungero na tumanggap sila ng anomang areglo mula sa kampo ni Atong Ang, na itinuturong umano’y mastermind sa pagkawala ng mga sabungero.

Nagtungo sila sa Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes upang magsumite ng mga sinumpaang salaysay na magpapabulaan sa alegasyong tumanggap sila ng pera kapalit ng pag-atras sa kaso.

“Ano lang po ‘yun, preliminary investigation lang po para patunayan namin na wala namang areglo. At the same time, sila lang po ang may gusto ng malaking pera. Walang katotohanan ang areglo-areglo,” ani Ryan Bautista, kapatid ng nawawalang si Michael Bautista.

Kamakailan ay nagsampa ng reklamo ang ilang pamilya ng mga nawawalang sabungero matapos igiit na may buwanang padulas umano mula sa kampo ni Ang kapalit ng pag-atras sa kaso o hindi pagdalo sa mga pagdinig.

Iginiit din ni Eloisa Bohol, ina ni Kiel Daniel, isa sa mahigit 30 sabungerong nawala noong 2022, na magpapatuloy ang kanilang laban para sa hustisya.

“Hindi kami umatras sa kaso. Wala pa pong nangyayaring hearing kasi ang kaso namin sa Sta. Cruz ay inilipat sa Quezon City. Tuloy pa rin ang laban ng kaso namin,” aniya.

Nang tanungin naman sina Bautista at Bohol hinggil sa alegasyong sumama umano sila sa isang resort ni Ang, tumanggi na silang magbigay ng pahayag.

(JULIET PACOT)

97

Related posts

Leave a Comment