KONTRA SONA NI CAYETANO: MALAKI POTENSYAL NG BANSA KUNG MAY IISANG NATIONAL VISION

NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa mga Pilipino na magkaisa sa iisang national vision na magsisilbing gabay sa mga polisiya at reporma ng pamahalaan.

Sa kanyang Kontra-SONA, isang araw matapos ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sinabi ni Cayetano na kailangang magkasundo muna ang bansa sa direksiyong nais nitong tahakin bago makabuo ng mga programang maghahatid ng pangmatagalang solusyon sa mga suliranin.

“Vision is contingent on actions. Kailangan [natin] ng national discussion, pag-uusap tungo sa isang vision or pinagkaisahang vision. If we agree on a common vision, then we have something to truly give to the next generation,” ani Cayetano noong Hulyo 28.

Ayon sa senador, bagama’t marami pa ring malalaking hamon ang kinakaharap ng Pilipinas, nananatili itong bansang may malaking potensyal kung magkakaroon ng maayos na pamamahala, pangmatagalang plano at nagkakaisang pagkilos.

“What is the state of our nation? Ang ating bansa ay dumaraan sa kahirapan. Mahirap, ngunit may malaking potential, may mga pagbabago ngunit puno ng pagsubok,” aniya.

Sinabi ni Cayetano na hindi maaabot ng bansa ang buong potensyal nito hangga’t hindi natutugunan ang matagal nang mga suliranin tulad ng child malnutrition, paghina ng sektor ng agrikultura, mababang sahod at korapsyon.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtugon sa child malnutrition, partikular ang stunting, na aniya ay nakaaapekto sa isa sa bawat apat na batang Pilipino at naglalagay sa kinabukasan ng bansa sa panganib.

Nanawagan din siya na muling bigyang-pansin ang sektor ng agrikultura.

“Kung sino naman po magsasabi na OK naman ang takbo ng ating agriculture, it’s OK to disagree. Parati kasi tayong nagdi-disagree kaya napapabayaan ‘yung ating agriculture,” ani Cayetano.

Iginiit din ng senador na maraming manggagawang Pilipino ang nahihirapan dahil hindi na sapat ang kanilang kinikita para matustusan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Nahihirapan na po ngayon ang ating mga trabahador. We have a minimum wage, but we do not have a living wage that the Constitution envisions,” aniya.

Bagama’t kinilala niyang may mga problemang hindi kontrolado ng bansa, gaya ng mga kalamidad at pandaigdigang sigalot, sinabi ni Cayetano na dapat pa ring pagbutihin ng pamahalaan ang pagtugon sa mga ito.

“We could’ve reacted faster and better. Having said that, how do we prepare ourselves to really achieve what we can achieve through our potential, hindi ‘yung ‘puwede na’?” dagdag niya.

Sa kabila ng mga hamon, naniniwala si Cayetano na kayang umunlad ang Pilipinas kung magkakaisa ang mga Pilipino sa iisang layunin.

“Malaki kasi ang potensyal ng mga Pilipino, maabilidad kasi ang mga Pilipino. Kaya po natin. May pag-asa tayo, at hindi natin kailangang maghintay ng matagal.”

“Let us believe, but let us act,” pagtatapos niya.

83

Related posts

Leave a Comment