SENADO PINAG-AARALAN PAGBUO NG AD HOC COMMITTEE PARA MATUGUNAN LEGISLATIVE BOTTLENECK – SALCEDA

KINUMPIRMA ni Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) Secretary Joey Salceda na pinag-aaralan ng Senado ang pagbuo ng isang ad hoc committee upang matugunan ang tinatawag na legislative bottleneck na nagiging dahilan ng pagkaantala ng ilang mahahalagang panukala.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Salceda na layunin ng panukalang komite na pabilisin ang pagtalakay at pag-apruba sa mga priority bills na may kaugnayan sa ekonomiya, imprastraktura, enerhiya, maliliit na negosyo at reporma sa halalan.

Inamin ni Salceda na may mga priority bills na naaprubahan na ng Kamara ngunit hindi pa umuusad sa Senado dahil wala pa itong counterpart measure, dahilan upang mabalam ang deliberasyon ng mga panukala.

Kabilang sa mga nais maisulong ang GINHAWA Bill, mga amyenda sa Energy Regulatory Commission, National Infrastructure Master Plan Bill, at mga panukalang magpapalakas ng suporta sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Ayon kay Salceda, nasa 59 na panukala pa ang nananatiling nakabinbin at nangangailangan ng mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng Senado at Kamara.

Tiniyak din niya na patuloy na makikipag-ugnayan ang PLLO sa mga lider ng dalawang kapulungan ng Kongreso upang matugunan ang mga hadlang sa proseso ng paggawa ng batas.

Samantala, sinabi ni Salceda na dalawang panukala ang nais na agad na maisabatas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.—ang Anti-Political Dynasty Act at ang mga amyenda sa Party-List System Act.

Naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang House Bill No. 8389 o ang Anti-Political Dynasty Act, habang nakabinbin pa rin sa Kamara ang House Bill No. 9906 o ang New Party-List System Act na inihain ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.

Inaasahan ni Salceda na ang pagbuo ng ad hoc committee sa Senado ay makatutulong upang mapabilis ang pag-apruba sa mga priority measures ng administrasyong Marcos.

(TINA MENDOZA)

63

Related posts

Leave a Comment