NAGHAIN si Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel L. Benitez ng isang resolusyon upang kilalanin ang mga natatanging tagumpay ng Pinoy pop supergroup na SB19 sa pagsusulong ng kulturang Pilipino sa pandaigdigang entablado.
Kasama ni Benitez sa paghahain ng House Resolution No. 1280 sina Reps. Nelson Legacion, Sarah Jane Elago, at Kathryn Joyce Gorriceta.
Binigyang-diin sa resolusyon ang pagkakatalaga ng Department of Tourism (DOT) sa SB19 bilang tourism ambassadors, gayundin ang makasaysayan nitong pagtatanghal sa Lollapalooza 2026 at paglahok sa isang Major League Baseball (MLB) event.
Matatandaang itinalaga ng DOT ang SB19 bilang tourism ambassadors noong Hulyo 26, kasunod ng kanilang pagiging Youth at Sentro Rizal Ambassadors ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) noong 2021.
Noong Hulyo 29, si Josh Cullen ang naging kauna-unahang miyembro ng isang P-pop group na naghagis ng ceremonial first pitch sa laro ng Chicago White Sox kontra New York Yankees.
Kinabukasan, sina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin ang naging kauna-unahang homegrown Filipino act na nagtanghal sa Lollapalooza, kung saan inawit nila ang ilan sa kanilang mga hit na “DAM,” “GENTO,” at “MAPA.”
Nabanggit din sa resolusyon na ang kanilang kasuotan sa naturang pagtatanghal ay hango sa iba’t ibang elementong Pilipino, kabilang ang mga disenyo mula sa Gold of Ancestors collection ng Ayala Museum, Ifugao brass pendants, at mga indigenous embroidery pattern.
Ayon kay Benitez, ang tagumpay ng SB19 ay nagbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipinong artista at sa mga industriya ng musika at turismo.
Nakasaad din sa resolusyon ang kahilingang maipadala ang mga kopya nito sa mga miyembro ng SB19.
(PAOLO SANTOS)
82 