LUMAKAS at naging tropical storm ang Bagyong Maymay nitong madaling araw ng Miyerkoles, Agosto 5, dahilan upang itaas ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa ilang bahagi ng Northern Luzon.
Sa 4:00 a.m. weather bulletin ng PAGASA, namataan ang bagyong may international name na Kujira sa layong 170 kilometro kanluran-hilagang-kanluran ng Bacnotan, La Union. Taglay nito ang lakas ng hanging 65 kilometro kada oras, pagbugsong hanggang 80 kph, at mabagal na kumikilos patimog-silangan.
Nakataas ang TCWS No. 2 sa central at southern Ilocos Sur, northern at central La Union, northwestern Pangasinan, southwestern Abra, western Mountain Province, at northwestern Benguet.
Samantala, nasa ilalim ng TCWS No. 1 ang Ilocos Norte; nalalabing bahagi ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Abra, Mountain Province at Benguet; Apayao; Kalinga; Ifugao; mainland Cagayan; Isabela; Quirino; Nueva Vizcaya; northern Aurora; northern Nueva Ecija; northern Tarlac; at northern Zambales.
Ayon sa PAGASA, maaaring makaranas ang mga lugar na ito ng malalakas na hangin na may minimal hanggang moderate na epekto.
Inaasahang kikilos si Maymay pasilangan at posibleng mag-landfall sa Ilocos Sur o La Union sa Miyerkules ng hapon o gabi. Unti-unti itong hihina habang tumatawid sa kabundukan ng Northern Luzon at maaaring maging low-pressure area pagsapit ng Huwebes ng hapon o gabi, Agosto 6.
Miyerkoles, inaasahang magdudulot si Maymay, kasama ng southwest monsoon o habagat, ng heavy hanggang intense rains o 100 hanggang 200 millimeters sa La Union, Pangasinan, Benguet at Zambales.
Magdadala rin ito ng moderate hanggang heavy rains o 50 hanggang 100 millimeters sa Metro Manila, Ilocos Sur, Mountain Province, Ifugao, Nueva Ecija, Tarlac, Bataan, Pampanga, Bulacan, Rizal, Laguna, Cavite, Batangas at Occidental Mindoro.
Ngayong Huwebes, inaasahan ang heavy hanggang intense rains sa Ilocos Sur, La Union, Benguet at Occidental Mindoro, habang moderate hanggang heavy rains naman ang mararanasan sa Pangasinan, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Tarlac, Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas at Antique.
Pagsapit ng Biyernes, inaasahang lalo pang palalakasin ng paparating na Typhoon Dolphin ang habagat, na magdadala ng moderate hanggang heavy rains sa Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro at Antique.
Nagbabala ang PAGASA sa mataas na panganib ng malawakang pagbaha at malulubhang landslide sa maraming bahagi ng Luzon.
Batay sa 8:00 p.m. bulletin nitong Martes, nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility (PAR) si Dolphin at namataan 1,845 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon. Taglay nito ang lakas ng hanging 165 kph at pagbugsong hanggang 205 kph habang kumikilos pakanluran sa bilis na 20 kph.
Samantala, binabantayan din ng PAGASA ang isa pang low-pressure area (LPA) na posibleng pumasok sa PAR at pangalanang Neneng. Gayunman, inaasahang mananatili itong malayo sa kalupaan habang patuloy na pinalalakas ang habagat hanggang sa katapusan ng linggo.
(JESSE RUIZ)
108 