LUSOT na sa House Committee on Higher and Technical Education ang House Bill (HB) No. 6649 na naglalayong magtatag ng university-based Crime Prevention Committee (CPC) upang maprotektahan ang academic community laban sa mga banta sa loob at labas ng campus.
Inihain nina Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez at Abamin Party-list Rep. Maximo Rodriguez Jr. ang HB 6649, o ang Campus Safety and Security Bill, bilang tugon sa serye ng mga insidente ng karahasan sa loob ng mga unibersidad at paaralan sa buong bansa.
Sa ilalim ng panukala, ang university-based CPC ang magpapatupad ng mas mahigpit na mga polisiya sa seguridad sa loob ng mga institusyong pang-edukasyon.
Ipinahayag ni Pasig Rep. Roman Romulo, chairman ng House Committee on Basic Education and Culture, ang kanyang suporta sa panukala at iminungkahing isama ang malinaw na depinisyon ng academic freedom upang matiyak ang consistency ng batas at maprotektahan ang kalayaan sa pagpapahayag ng mga estudyante.
Samantala, nagpahayag ng alalahanin si Kabataan Party-list Rep. Renee Co sa magiging komposisyon ng CPC at hiniling na maisama rito ang mga kinatawan ng student council, faculty at non-academic personnel.
Ayon kay Co, mahalagang mabigyan ng boses ang mga naturang stakeholders sa pagtataguyod ng kaligtasan at kalayaan sa loob ng mga kampus.
Sinabi ni House Committee on Higher and Technical Education Chairman at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na bukod sa HB 6649 ay inaprubahan din ng komite ang House Bill No. 9399 na magpapalakas sa Philippine Normal University (PNU) bilang pangunahing institusyon ng bansa para sa teacher education, research at innovation.
Sa ilalim ng panukala, babaguhin ang PNU Charter at idedeklara ang unibersidad bilang National University for Teacher Education.
Ayon kay Acidre, mahalagang palakasin ang teacher education dahil ito ang magiging daan upang higit pang mapaunlad ang kalidad ng edukasyon at kaalaman ng mga mag-aaral.
Sinabi naman ni Tingog Party-list Rep. Andrew Julian Romualdez, vice chairman ng House Committee on Higher and Technical Education, na ang pagpapalakas sa PNU ay isang mahalagang pamumuhunan para sa education sector.
“Every doctor, every engineer, entrepreneur, scientist, artist, athlete, public servant, and community and student leader first learned from a teacher. When we strengthen the institution dedicated to preparing our educators, we strengthen the foundation upon which every other profession is built. In doing so, we strengthen the future of our nation,” pahayag ni Romualdez.
Matapos maaprubahan sa komite, nakatakdang talakayin sa House plenary ang dalawang panukala.
(TINA MENDOZA)
38 