(NI NOEL ABUEL)
NAPAPANAHON nang itaas ang suweldo ng mga guro sa bansa na dapat ipantay sa sinusuweldo ng mga guro mula sa mga bansa sa Association of South East Asian Nations (ASEAN).
Ito ang sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian sa pagsasabing ipaprayoridad nito ang panukalang naglalayong dagdagan ang sahod ng mga public school teachers sa elementary at secondary schools na may ranggong Teacher I, Teacher II, at Teacher III.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 178, mula sa Teacher I, Teacher II at Teacher III na public school teachers na may Salary Grade (SG) 11, 12, at 13 ay gagawing Salary Grade 13, 14 at 15.
Ayon kay Gatchalian, nais nitong dagdagan ang sahod ng mga public school teachers upang maipantay ito sa sahod ng mga guro sa ASEAN regions.
“We compared the salaries of teachers from the Philippines, Brunei, Indonesia, Malaysia, Singapore, Thailand, and Vietnam, and based on our research, among these seven member-nations of the ASEAN, we are third to the last in terms of annual salaries of teachers – above only Malaysia and Vietnam and below the ASEAN average at that,” ani Gatchalian.
Paliwanag pa ng senador na ang sahod ng mga guro sa bansa kasama ang mga benepisyo ay $18,160 habang sa ASEAN ay nasa $27,742 kung saan sa bansang Brunei, ang annual teacher salary ay $55,263, habang sa Vietnam ay nasa $3,877 lamang.
Ginamit na basehan ng senador ang standard conversion ng World Bank (WB) na 20.42 para sa Salary Grade II kasama na ang benepisyong tinatanggap ng mga guro tulad ng Philhealth, clothing allowance, midyear bonuses, cash allowances, productivity gift, PAGIBIG at iba pa.
“If our bill becomes law, it would increase the average annual teachers’ salary in the Philippines to $21,547, closer to the ASEAN 7 average,” sabi ni Gatchalian.
Base umano sa ikaapat na bahagi ng Salary Standardization Law, ang panukalang dagdag sahod ng mga Teacher I mula P20,754 ay magiging P25,232 o may katumbas na P4,478 habang ang Teacher II ay madadagdagan ng P4,817 o P27,755 mula sa kasalukuyang P22,938.
Samantalang ang Teacher III personnel ay makatatanggap ng P5,299 o mula sa P25,232 ay magiging P30,531.
332