Bumoto ng NO sa TRAIN Package 2 o CITIRA ang Bayan Muna dahil naniniwala ito na hindi para sa interes ng mamamayang Filipino ang pagbababa ng Corporate Income Tax mula sa kasalukuyang 30% pababang 20%.
Hindi maitatanggi na sa TRAIN 1, mas binuwisan ang mga mahihirap at binabaan ang buwis ng mga mayayaman. Ang mga mahihirap na dati nang hindi nagbabayad ng personal income tax dahil sa sobrang liit ng kanilang kinikita ay napahamak lang dahil sa TRAIN 1, dahil ang tanging natanggap nila rito ay mas mataas na buwis at mas mataas na presyo ng mga bilihin.
Tumaas hanggang 6.7% ang inflation noong September at October 2018. Hindi maitatanggi ng gobyernong ito na isa ang TRAIN 1 sa mga may kasalanan kung bakit lumobo ng ganito ang inflation at tumaas ang mga presyo ng bilihin.
Pero ito tayo ngayon, bababaan natin ang Corporate Income Tax pababa sa 20% na ang pinakamakikinabang ay ang mga malalaking kompanya. Department of Finance mismo ang nagsasabi na sa bawat 1% na pagbaba ng Corporate Income Tax ay mawawalan ng P26 billion per year.
Dagdag pa rito, ayon sa PSA, 75% ng mga nagbabayad ng Corporate income tax ay ang mga malalaking kompanya. Dito pa lamang ay kitang-kita na kung para kanino ang TRAIN 2. Para sa mga malalaking kompanya, na as of now ay hindi pa nga nagbabayad ng 30% income tax.
Sumasang-ayon tayo na dapat i-rationalize ang pagbibigay ng mga insentibo sa mga kompanya. Dapat ang insentibo na ating ibinibigay ay naka-orient sa pagsusulong ng pambansang industriyalisasyon na tunay na magpapaunlad ng ating ekonomiya. Dapat ang tinutulungan natin ay ang mga maliliit at katamtamang mga negosyo, lalo na ang mga lokal, na siyang gumagawa ng 62.9% na trabaho sa bansa.
Sabi sa Konstitusyon, ang dapat nating ginagawang tax system ay progresibo, mas malaki ang buwis ng mayayaman. Nakikita ng kinatawang ito na ang CITIRA, at ang TRAIN Law ay mga regressive tax systems dahil ibinababa ang buwis ng mga mayayaman samantalang binubuwisan ang mga mahihirap. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
143