SC NILINAW PARUSA SA RECKLESS IMPRUDENCE SA VEHICULAR HOMICIDE

supreme court12

NILINAW ng Supreme Court of the Philippines na maaaring ibaba o dagdagan ang parusa sa kasong reckless imprudence resulting in homicide kapag sangkot ang motor vehicle.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Antonio Kho Jr., pinagtibay ng Korte Suprema ang pagkakasala ni Noli Ilon ngunit ibinaba ang sentensya nito dahil kusa umano itong sumuko sa pulisya matapos ang insidente.

Batay sa rekord ng kaso, mabilis umanong pinatakbo ni Ilon ang sasakyan ng kanyang amo malapit sa isang interseksyon at nabangga ang trisikad ni Lee de la Cruz na huminto para magbaba ng pasahero.

Tumilapon si de la Cruz, nasagasaan, at namatay kinabukasan sa ospital.

Depensa ni Ilon, normal lamang umano ang takbo niya at sinubukan pa niyang umiwas sa trisikad.

Gayunman, sinabi ng SC na aminado mismo si Ilon na hindi siya nagbagal sa interseksyon at lalo pang bumilis kaya naganap ang aksidente.

Binura rin ng Korte Suprema ang dagdag na parusang ipinataw ng Court of Appeals dahil hindi naman umano nakasaad sa reklamo na hindi tinulungan ni Ilon ang biktima matapos ang insidente.

Dahil sa kanyang voluntary surrender, ibinaba ng SC ang sentensya ni Ilon sa hanggang dalawang taon at apat na buwang pagkakakulong.

Inatasan din siyang magbayad ng mahigit P629,000 bilang danyos sa pamilya ng biktima.

Sa hiwalay na opinyon, sinabi ni Senior Associate Justice Marvic Leonen na nagkakaroon na umano ng kalituhan sa batas dahil sa paisa-isang amyenda sa Revised Penal Code kaya dapat na itong isaayos at pag-isahin.

(JULIET PACOT)

90

Related posts

Leave a Comment