Pinalawak na Benepisyo ng PhilHealth ramdam ng mga Pilipino

Hindi na lang basta pangako, kundi ramdam na ng milyun-milyong Pilipino ang mas pinalawak at mas pinatibay na mga benepisyong pangkalusugan mula sa PhilHealth.

Ito ang personal na nasaksihan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Dr. Edwin M. Mercado, Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng PhilHealth sa kanilang pagbisita sa ilang malalaking pribadong ospital sa bansa kamakailan.

Noong Mayo 1, nagtungo sila sa St. Elizabeth Hospital, Inc. sa General Santos City upang makita ang implementasyon ng YAKAP Program, pati na rin ang mga pinahusay na serbisyo para sa cancer treatment at dialysis—mga kritikal na gamutan na dating nagdudulot ng matinding bigat sa bulsa ng mga pamilyang Pilipino.

Sinundan ito noong Mayo 11 kung saan pinuntahan nila ang The Medical City sa Pasig para sa bagong Alfredo R.A. Bengzon Patient Access Ward. Ito ay may limamput isang (51) kama at siyam (9) na mother-and-baby-friendly room kung saan ipinatutupad na ang PhilHealth No Balance Billing policy o walang dagdag bayad ang mga pasyente.

Ayon kay Dr. Mercado, ang tunay na usapin ay hindi kakayahan kundi ang pagkukusa at kagustuhang gamutin ang bawat miyembro ng PhilHealth at ipadama sa kanila na sila ay kabilang at karapat-dapat makatanggap ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan.

Binigyang-diin din niya na sa pagdaan ng panahon, hindi karangyaan o dami ng private suites ng isang ospital ang maaalala ng mga tao, kundi kung ilang buhay ang kanilang nailigtas at nabago.

Nananawagan ang PhilHealth sa iba pang pribadong ospital at klinika sa bansa na magpa accredit na upang mas maiparating sa mga Pilipino ang mga benepisyo. Handang suportahan ng ahensya ang mga pasilidad para sa mga programa nito tulad ng primary care, emergency, maternity, dialysis, cancer care, at Z Benefits para sa malulubhang sakit. Ang mga interesadong institusyon ay maaaring bumisita sa opisyal na website ng PhilHealth o sa pinakamalapit na Local Health Insurance Office.

143

Related posts

Leave a Comment