Syanong Detektib Ni Lucio S. Papa
SA gitna ng mga masalimuot na kaganapan sa bansa, umeksena ang isang bagitong kongresista na para bang dalubhasa sa larangan ng pulitika. Aniya, umiiral ang tinawag niyang “de facto martial law.”
Agad naman umalma ang mga tuta ng Palasyo nang hindi man lang muna nagtanong sa mga eksperto. Ayon sa mga amuyong ng Pangulo, walang batayan ang tinuran ng batang kongresista.
Sa isang banda, baka naman tama sila.
Talakayin muna natin ang kahulugan ng mga katagang “de facto.” Sa tulong ni Ginoong Google, lumalabas “in practice” ang ibig sabihin ng “de facto” — walang legal na deklarasyon pero pero hindi lubos ang implementasyon.
Hindi na bago ang Martial Law sa Pilipinas. Katunayan, sumailalim tayo sa batas militar sa ilalim ng apat na administrasyon.
Setyembre 21 ng taong 1944 nang ideklara ng noo’y Pangulong Sergio Osmeña ang Proclamation No. 29 bunsod ng pananakop ng bansang Hapon sa ating bansa.
Makaraan ang 28 taon, muling isinailalim sa Martial Law ang Pilipinas sa bisa ng Proclamation 1081 na pinirmahan ng yumaong Ferdinand Marcos Sr., (ama ng nakaupong Pangulo ngayon) dahil sa pag-aalsang inorganisa ng umano’y mga komunista.
Sa loob ng 14 na taon, kamay na bakal ang umiiral sa buong bansa. Enero 1981 nang magwakas ang batas militar.
Sa ilalim ng panunungkulan ni Gloria Macapagal Arroyo, muling idineklara ang Martial Law noong Disyembre 2009 — pero para lang sa Maguindanao kasunod ng tinaguriang Ampatuan Massacre.
Isang taon pagkatapos mahalal bilang presidente, isinailalim sa Martial Law ni former President Rodrigo Duterte ang buong Mindanao sa hangaring supilin ang pagkakalat ng lagim ng mga teroristang Muslim. Sa loob ng 950 araw, hindi tinantanan ang Marawi City.
Sa gitna ng kabi-kabilang eskandalo ng katiwalian, hindi malayong maulit ang kasaysayan.
Huwag natin kalimutan na kontrolado niya ang Kongreso kaya hindi mahirap para sa kanya na gumawa ng eksenang magiging batayan para magdeklara ng Martial Law.
Wala siyang planong bumaba sa pwesto. Lahat ay gagawin para tiyaking mananatili siya sa kanyang trono.
Gayunpaman, lahat ng kasamaan may hangganan. Dalawa lang ang pwede niya pagpilian — ang bumaba sa Palasyo bago pa man sumambulat ang galit ng mga tao, o ‘di naman kaya’y magbakasyon sa paraiso ni Doc K. M. Tayan.
68 