ANG MASALIMUOT NA USAPIN SA BIGAS

Psychtalk

(Ikalimang bahagi)

Sadyang maraming pwedeng itahi sa usapin ng bigas. Ito ay dahil isa ito sa pinakamasasalimuot na usapin sa panahon natin.

Kung ang isang bagay ay masalimuot ay dahil marami pang ibang usapin ang nakakabit dito. At marami ring interes na madalas ay magkakasalungat ang nakapaloob dito. Kaya’t mahabang diskusyon ito kung tutuusin.

Kung ikakabit ito sa mundo ng politika sa ating bansa, masasabing ilan na ring politiko ang sumadsad ang karera dahil sa bigas.

Literal na usapin ito ng buhay at kamatayan ng maraming Filipinong nasa laylayan. At para sa mga politikong nakaunawa sa bagay na ito, pero dahil tumaliwas ang kanilang kilos sa dapat sana ay ikahahanap ng pangmatagalang solusyon ng isyung ito, nauna munang mamatay ang kanilang karera kaysa sa kamatayan ng maraming sikmurang naghahangad masayaran ng masarap na sinaing.

Maalala ninyo ba ang nangyari sa isang politiko na namumuno noon ng National Food Administration (NFA) na walang konkretong ginawa sa krisis sa bigas—mahal ang presyo at halos araw-araw ay pumipila ang mahihirap makabili man lang ng ilang kilong pansaing. Ang solusyon, ay importasyon. Pero paglipas ng ilang panahon ay nalaman na may mga nabubulok na palang mga nakatambak na bigas sa mga warehouse ng nasabing ahensiya?

Marami pang iba riyan na napupulaan dahil kadalasan, ang mga bigas na dapat ay ipinapamudmod sa mga tao sa panahon ng mga sakuna at napagtatangong iniipit ang mga supply ng bigas. Pero pagkatapos ay makikita na nilalabas ang mga ito sa iba pang pagkakataon at palalabasing galing sa kanila lalo na sa panahon na malapit na ang eleksiyon.

Ilan na rin ba ang mga naisusumbong na nagre-repack ng mga butil na ito at gagamiting pampabango ng kanilang mga pangalan bilang mga politiko kahit hindi galing sa kanilang mga bulsa, bagkus ay galing sa kagandahang-loob ng mga pribadong indibidwal?

Oo, ang puting butil ng bigas na buhay para sa mga mahihirap nang mamamayan ay madalas masalaula at mabahiran ng mga maiitim na motibo ng mga taong sobrang ganid sa posisyon at kapangyarihan. Isusubo na nga lang sana ng mga taong gutom, pero, kailangang gawan pa ito ng maraming mahika at hokus-pokus para sa patuloy na pananatili sa kapangyarihan ng mga ‘di mabusug-busog. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

178

Related posts

Leave a Comment