(Ni BOY ANACTA)
Mas lalo pang hinigpitan ng Bureau of Customs (BOC) ang implementasyon ng mandatory x-ray sa lahat ng containerized cargoes na papunta sa mga Customs Bonded Warehouses (CBWs).
Sa inilabas ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero na memorandum na may petsang Setyembre 12, mahigpit nitong iniutos ang mandatory x-ray examination sa nasabing mga kargamento.
Suhestiyon ito ng Assessment and Operations Coordination Group sa pamamagitan ni Deputy Commissioner Atty. James Dy Buco bilang karagdagang hakbang upang masugpo ang smuggling activities.
Ayon kay Dy Buco, bagama’t ang imported containerized cargoes sa pamamagitan ng CBW mode na may “red” selectivity status ay hindi na isasailalim sa mandatory 100% x-ray examination bilang pagtalima sa “the square root rule” upang maiwasan ang pagkaabala ng pag-release ngunit dahil na rin sa pangambang maaaring samantalahin ito ng smugglers ay nararapat na bigyang pansin ito ng pamunuan.
Dahilan ito upang mag-isyu ng naturang kautusan si Guerrero para sa mandatory x-ray.
“The immediate assuance of this memorandum is necessary to ensure that the Customs Bonded Warehouse shall not be used for smuggling and illegal trade,” dagdag pa ni Dy Buco.
Ang CBWs ay pawang lisensiyado sa ilalim ng BOC warehouses na kung saan inilalagak ang mga imported articles na walang nagbabayad ng duties and taxes.
