PAGKAKAISA

FOR THE FLAG

Sawa na ang mamamayan sa pagkakawatak-watak dahil lamang sa politika at personal na interes ng iilan, hinahanap at inaapuhap naman ngayon ng bawat mamamayan ang tunay na pagkakaisa upang tunay na maiangat ang ekonomiya ng bansa at ang buhay ng bawat Filipino.

Konting kibot ay puro batikos ang inaabot ng administrasyon mula sa mga kritiko nito, na hinihinalang sinususian ng mga dayuhang gusto lamang makapanggulo sa bansa para protektahan ang kanilang interes, katulad na lamang ba ng patutsada at pangingialam kamakailan ng ilang minority US senator.

Nararapat na mamulat na ang mga Filipno na sa pagkakaisa lamang makakamit ang tunay na tagumpay.

Imbes na politika ay magtulungan para sa pagsolusyon sa pagkain, kalusugan at edukasyon ng bawat Filipino.

Nararapat na makiisa na ang mga kritiko sa pamahalaan upang makatulong na sila sa mithiin ng sambayanan na makaahon na sa pagkakalugmok sa kahirapan.

Nasisiguro kong matutuwa ang taumbayan kung tatalima ang lahat ng nanlilibak sa gobyerno na makipagtulungan sa pangulo at sa mga programa nito.

Pihadong matutuwa ang mamamayang Filipino na magsisilbing saksi na minamahalaga nila ang pagkakaisa kaysa sa dikta ng partido, personal na rason o impluwensya ng dayuhan para sa pagkakawatak-watak.

Napakaganda naman talaga kung magiging matulungin ang bawat isang Filipino imbes na maging balakid sa mithiin ng sambayanang Filipino.

Narito at nananawagan na hindi lamang ang taumbayan kundi mismong ang inang-bayan para sa makasaysayang sandaling ito sa buhay ng ating bansa, pagkakataon na ng Pilipinas para sa tunay na pagbabago at maisulong ang mga programa at proyektong tumutugon sa mga mithiin ng bawat isang Filipino.

Heto na ang pagkakataong iyon, nasa ating harapan na ang guhit ng kasaysayan na matagal nang inasam-asam na maisakatuparan, heto na at nasa ating harapan, naghihintay na lamang kung pakikinggan ang panawagan para sa pagkakaisa at pagbabago.

Mabuhay ang bawat Filipino! (For the Flag / ED CORDEVILLA)

453

Related posts

Leave a Comment