(NI NICK ECHEVARRIA)
UMAABOT sa 29 establisimyento ang napinsala matapos yanigin ng magnitude 6.3 na lindol ang Region 11 at 12, Miyerkoles ng gabi.
Batay sa ipinalabas na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang ang mga gusali ng SM at Veranza malls sa General Santos City, KCC Mall sa Koronadal City sa mga nagtamo ng pinsala habang bahagya namang nasunog ang Gaisano Mall sa Gensan.
May mga damages din na tinamo ang municipal hall ng Magsaysay, Davao del Sur; gayundin ang sangguniang bayan building at Roldan Hospital sa M’lang, Cotabato, fire-station sa Makilala, Cotabato, at ang municipal hospital sa Carmen Cotabato.
Dalawa naman ang iniulat ng NDRRMC na nasawi habang 18 ang sugatan sa naganap na landslide sa Magsaysay, Davao Del Sur; may iniulat ding siyam na sugatan sa Kidapawan at Makilala sa Cotabato.
Nagpapatuloy pa rin ang response at damage assessment na isinasagawa ng mga lokal na tanggapan ng NDRRMC sa mga apektadong lugar.
Samantala, nakahanda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI sa gagawing pamimigay ng augmentation assistance para sa mga biktima ng magnitude 6.3 na pagyanig sa Davao Region.
Iniulat ng DSWD sa Region 11 na umaabot sa kabuuang 10,186 family food packs ang naka-standby at handang ipamimigay sa mga apektadong pamilya.
Sa ulat ng Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) XI, lumalabas na labis na nagtamo ng pinsala ang bayan ng Magsaysay sa Davao del Sur.
Hindi naman tumitigil ang DSWD sa pakikipagugnayan sa pamamagitan ng Disaster Response and Management Division sa mga local government units at iba pang ahensya ng gobyerno para sa mabatid ang iba pang mga pangangailangan at serbisyo ng mga nasalanta.
