(NI NOEL ABUEL)
TINIYAK ni Senador Imee Marcos na maipagkakaloob sa mga magsasaka ang tulong pinansyal sa mga ito bago matapos ang kasalukuyang taon.
Sinabi ng senador na maibibigay ang dagdag na ayudang P6.9 bilyon sa pamamagitan ng pagbili ng palay o kaya ay cash na kukunin sa budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Siniguro ng senadora na hindi dapat mangamba ang mga magsasaka na mahaharang ang ayuda ng ruling ng Korte Suprema na una nang naglimita sa mga mambabatas na maglaan ng pondo sa mga bagay na hindi naman nakadetalye sa national budget.
Nauna rito, inaprubahan ng Kamara at Senado ang joint resolution na i-convert ang cash aid na galing sa 4P’s o Pantawid Pamilyang Pilipino Program at sa halip, bilhin na lang ang mga palay ng mga magsasakang walang kakayahang makipagkumpitensya sa bumabahang murang halaga ng mga imported na bigas.
325