(NI DANG SAMSON-GARCIA)
PABOR ang dalawang senador na magsagawa ng post-audit o analysis sa pamamahala ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games.
Ito ay upang matukoy ang mga kamalian at kung may iregularidad na nangyari sa mga aktibidad na isiganawa gayundin sa pagtatayo ng mga pasilidad para sa kompetisyon.
Ayon kay Senate Majority leader Migz Zubiri, kailangan ding matukoy ang mga pagkakamali sa hosting upang matiyak na masasaayos ito para sa susunod na kaganapan ng bansa.
“Automatic naman yan, magkakaroon ng post analysis, ano pa pwedenggawing maayos for next hosting, ano naging mali, so yan ang mangyayari for sure. I don’t want to say investigation but post assessment on how we could done it better,” saad ni Zubiri.
Sinabi naman ni Senador Win Gatchalian na lahat dapat pag-aralan kasama na kung tama o mali ang paggatos ng pondo.
“Sang-ayon ako sa post event analysis. Sa lahat ng event dapat pag-aralan natin ano ba ang pagkakamali natin, san ba tayo nagkamali, san ba tayo nagkulang. Kasama na ang paggastos. Titignan din natin kung kulang ba paggastos o sobra sobra ba? Kasi darating ang araw maghohost uli tayo kaya pagaralan natin ang mga pagkukulang natin para pag dumating ang panahon na tayo ay maghost alam natin ano ang gagawin,” giit ni Gatchalian.
Subalit sa ngayon, ayon sa dalawang senador mas magandang magkaisa para sa pagsuporta sa mga atleta upang lumakas ang loob ng mga ito sa kompetisyon.
177