(Ni Joel O. Amongo)
HINDI lang naipasa ng Bureau of Customs ang ‘initiation stage’ ng Performance Governance System (PGS) subalit tumanggap pa ito ng Gold Governance Trailblazer award, ang pinakamataas na parangal ng PGS, matapos ganapin ang Forum Revalida nito sa Bayanihan Center sa Unilab, Pasig City.
Sa pamamagitan ng pagpupursige ni Commissioner Rey Leonard B. Guerrero at sa pakikipagtulungan ng mga tauhan at opisyales ng BOC tungo sa pagbabago ng tanggapan na nais maganap gamit ang PGS, isang hakbang upang hubugin at magkaroon ng pagtutulungan upang mailahad, maipatupad at mapanatili ang magandang layunin para sa pagbabago.
Ipinakita ni Commissioner Guerrero sa kanyang presentasyon sa PGS Revalida ang pagbabagong nais tahakin ng BOC sa pamamagitan ng 4-year Strategic Roadmap na naglalayon na ang transpormasyon o pagbabago sa Customs ay maayos, malinis, at isang world class na pamamalakad hanggang 2022 na magpapalakas, magpapalago at magbibigay ng seguridad sa ekonomiya ng bansa.
Ang roadmap ang tatayong pangunahing suporta ng BOC upang makamit ang layunin nito na maisakatuparan ang pagbabago.
Inilatag ni Commissioner Guerrero ang ‘pre-initiated transformation efforts’ na kasama ang publikasyon ng 40 Customs Administrative Orders sa maayos at makatwirang polisiya at patakaran; pagpapatatag ng serbisyo ng strategic roadmap; zero backlog sa proseso ng aplikasyon para sa accreditation ng importers at Customs brokers; at ang implementasyon ng pitong (7) IT support systems.
Bunga ng mga inilahad na programa ni Commissioner Guerrero, pinarangalan ng PGS ang BOC.
“We are committed to enhancing trade facilitation that favors growth and we will continue to work for a Customs administration that is world-class and at par with global standards. To get there, the imperatives of good governance, professionalism and integrity will be instilled both in the institution and in the individuals,” pagdidiin ni Commissioner Guerrero.
