NATAPOS na noong nakaraang linggo ang pagkakabit ng dalawa pang Portal-type x-ray machines ng Bureau of Customs sa Manila International Container Port.
Ang dalawang bagong x-ray machines ang magpapabilis ng trabaho ng BOC sa MICP na may karagdagang 7,680 containers sa bawat araw na mas mataas sa dati nitong kapasidad. Ang isang portal type x-ray machine ay may kapasidad na magsuri ng 160 container bawat oras.
Dati, ang MICP ay mayroong 7 mobile type x-rays na ginagamit na may kakayahang mag-scan ng 25 containers bawat oras o 600 containers bawat araw at isang paleta at cargo x-ray gamit para sa pagsusuri ng mga kahon at iba pang lalagyan.
Mas pinalalakas ng BOC ang kanilang pagsisikap na isaayos ang kanilang cargo examination at anti-smuggling na bahagi ng 10-point priority program ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Dahil sa karagdagang makina, mas mapaghuhusay ng BOC ang kakayahan nitong magsuri at nakasisiguro na magkakaroon ng balanse sa pagitan ng trade facilitation at stringent border protection.
Upang maging maayos ang pag-andar ng mga makina, magkakaroon ng training ang mga matutoka sa pagpapatakbo nito.
Ayon kay Commissioner Guerrero, mas lalong mabibigyang-proteksyon ang Pilipinas sa pananamantala ng ibang bansa sa mga produkto nitong ilegal tulad ng mga pekeng paninda, ilegal na droga at iba pang kontrabando. (JO CALIM)
