UMUKIT ng kasaysayan ang Filipina tennis teen sensation na si Alex Eala nang maibulsa ang unang juniors Grand Slam title kasama ang kanyang Indonesian partner na si Priska Nugroho sa 2020 Australian Open juniors doubles tournament Biyernes sa Melbourne Park.
Naging impresibo ang panalo nina Eala at Nugroho nang walisin ang European duo nina Slovenia’s Ziva Falkner at Britain’s Matilda Mutavdzic, 6-1, 6-2, sa championship round.
Ito ang ika-anim na doubles title ng itinuturing ngayon na Southeast Asian powerhouse tandem simula nang mag-team up sila noong 2017.
Nakarating sa junior doubles’ finals sina Eala at Nugroho makaraang ma-upset ang top-ranked pair nina Latvia’s Kamila Bartone at Czech Republic’s Linda Fruhvirtova.
Dala ang momentum mula sa panalo sa semifinals, maagang kinuha nina Eala at Nugroho ang 5-0 lead sa opening set.
Ngunit dahil sa unforced errors ng Southeast Asians ay nakabalik sina Falker at Mutavdzic, hanggang sa nakabawing muli sina Eala at Nugroho para kunin ang 1-0 lead ng match.
Pinilit ng Europeans na makuha ang momentum subalit hindi pumayag sina Eala at Nugroho na tinapos ang match sa 3 straight games.
Kapwa umabot lang sa 3rd round sa singles sina Eala at Nugroho Miyerkoles (Enero 29).
Subalit para sa Rafael Nadal Academy scholar na si Eala, ito na ang best singles finish niya sa junior Grand Slam.
Nag-qualify sa main draw ng 2020 Australian Open juniors tournament si Eala via wildcard nang maging world No. 9 sa ranking ng juniors circuit sa pagsisimula ng taon. (EBG)
BEST FINISH TARGET NG PH SA 10th APG
TARGET ng Pinoy para-athletes ang “best finish” sa darating na 10th ASEAN Para Games (APG) na gaganapin sa bansa sa Marso 20 hanggang 28.
Hangad ng mga pambansang atleta na higitan pa ang best record nito noong 2017 edition sa Kuala Lumpur, kung saan humakot ang mga Pinoy ng 20 gold, 20 silver, at 29 bronze medals, para sa fifth place finish.
“Basta ang commitment natin, we will try to improve our last finish in the ASEAN Para Games. Kung maging No. 4 tayo, that’s an improvement already. Kung No. 3, mas maganda. So siyempre, we will aspire for a podium finish,” wika ni Team Philippines chef de mission Francis Diaz.
Mayroong 250 para-athletes ang Pilipinas, kabilang 80 opisyales, sa itinuturing na largest multisport event para sa differently abled athletes sa Southeast Asia.
Labing-anim na regular sports (archery, athletics, badminton, boccia, bowling, chess, cycling, 7-a-side CP football, goalball, judo, powerlifting, sitting volleyball, swimming, table tennis, triathlon, wheelchair basketball) at isang demonstration sport (para obstacle course) ang paglalabanan sa darating ika-sampung APG.
Nagpahayag ng pasasalamat si Diaz sa patuloy na suporta ng Philippine Sports Commission (PSC) sa mga Filipino para-athletes.
“Si chairman (Butch) Ramirez, palagi niyang sinasabi na he has a soft spot in his heart para sa mga para-athletes natin. And he truly inspires our para-athletes for what he does in PSC,” ayon sa kanya.
Dahil din sa suporta ng PSC kaya’t nakuha ng Pinay table tennis Paralympian na si Josephine Medina ang gintong medalysa sa 2019 ITTF Para Bangkok Open sa Thailand at historic 10 golds, 8 silvers at 11 bronzes haul ng national Para team sa 2018 Asian Para Games sa Indonesia. Lahat ng medalists ay nakatanggap ng kabuuang P16.2-million cash incentive mula sa nasabing ahensiya. (EBG)
MACROHON PUMITAS NG 2 TANSO SA ROMA 2020 WEIGHTLIFTING WORLD CUP
HUMABOL pa ng dalawang tansong medalya ang Pinay weightlifter na si Kristel Macrohon sa pagtatapos ng Roma 2020 Weightlifting World Cup sa Italy.
Binuhat ng 24-anyos at 30th Southeast Asian Games gold medallist na si Macrohon ang kabuuang 209 kg mula sa pinagsamang 94k sa snatch at 11kg sa clean and jerk ng women’s 71kg division upang makuha ang dalawang bronze medal sa nasabing torneo.
Isa ang tubong Zamboanga City na si Macrohon sa mga pambansang atleta na inaasam ng Samahang Weightlifting ng Pilipinas na makasama ni 2016 Rio De Janeiro silver medallist Hidilyn Diaz sa 2020 Tokyo Olympics.
Nauna nang biningwit ni Diaz ang tatlong gintong medalya sa torneo na kinikilala bilang isang silver-tier Olympic qualifying tournament.
Pinagreynahan ng 30th SEA Games gold medallist na si Diaz ang women’s 55 kg sa pagwawagi sa snatch, clean & jerk at total lift.
Nagdagdag naman ang Cebuano na si John Febuar Ceniza ng isa pang tanso sa Men’s 61 kg.
Tinapos ng Pilipinas ang kampanya sa World Cup na may kabuuang tatlong ginto at tatlong tanso.
Sunod na sasabak ang Pinoy lifters, na naghahangad makakuha ng tiket sa Tokyo Olympics, sa 2020 Asian Championship na gaganapin sa Nur-Sultan, Kazakhstan sa Abril 16 hanggang 25. (ANN ENCARNACION)
MIGHTY LUSOT SA SEMIS SA 2020 DUBAI INTERNATIONAL CHAMPIONSHIP
HAHARAPIN ng Mighty Sports ang Morocco’s AS Sale sa semifinals, kasunod ng 88-71 panalo laban sa Syria’s Al Wathba sa quarters ng 2020 Dubai Basketball International Championship, Biyernes ng umaga (Manila time) sa Al Ahli Club.
Angat ng 13 points (44-31) matapos ang first half, nagpasiklab si Thirdy Ravena sa third period nang umiskor ng 10 points at mula doo’y iniwan na ang Syrians.
“I’m happy, of course, but we haven’t accomplished anything yet,” komento ni head coach Charles Tiu matapos ang panalo ng kanyang koponan.
Sina Juan Gomez de Liaño at Jasie Malonzo ay kumamada naman sa final canto.
Si Malonzo ay may 11 points mula sa 5-of-5 shooting, habang may 10 points si Gomez de Liano, bukod sa nahablot na six rebounds, assist at steal.
“I’m proud of what they have been doing here. That’s why I’ve been leaving them in, letting them make their mistakes, and let them find their groove,” dagdag ni Tiu patungkol sa tatlong mga batang manlalaro niya.
Umabante ang Mighty Sports nang hanggang 22 points, 88-66, 1:47 sa laro matapos ang tres ni Javi Gomez de Liaño.
Sina Andray Blatche at Renaldo Balkman naman ay halos umalalay na lang sa mga kakampi sa kabuuan ng laro.
Ang naturalized Filipino na si Blatche ay nag-ambag ng 12 points, eight rebounds, two steals at block, habang si Balkman ay may 13 points at eight rebounds.
Si former Alaska import Chris Daniels ang nanguna sa Al Wathba na may 36 points, nine rebounds, three assist at three steals, pero bigo siyang makakuha ng tulong mula sa mga kakampi.
Tinalo naman ng AS Sale ang UAE National team, 85-80.
Sa semis match, babawian ng Mighty Sports ang AS Sale na tumalo sa kanila noong nakaraang taon, 83-75. (VT ROMANO)
