PINAG-IISIPANG baguhin o tanggalin na lamang ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mga kasalukuyang laro ng ahensiya, kasunod ang balakin na maglunsad ng bagong games na tatangkilikin ng mga Filipino bettor para mapalakas at makabawi sa nawalang kita nitong nakalipas na taon.
”Definitely maraming nasa pipeline na mga games marami rin repackage na games we should address the decline sa games namin,” pahayag ni PCSO Assistant General Manager for Gaming Arnel Casas sa isang press briefing nitong Martes.
Gayunman, sinabi ni Casas na hindi pa nila napag-uusapan kung anong partikular na mga bagong laro ang kanilang ilulunsad, pero tiniyak nito na may mga parating na kagigiliwan ng mga Pinoy na mahilig tumaya sa Lotto.
Sa ibinigay na datos ni PCSO General Manager Royina Marzan-Garma, bumaba ng 31% ang kinita ng ahensiya nitong 2019 na umabot lamang sa 44 billion pesos kumpara sa 63.5 billion na kinita nito noong 2018.
Bumaba rin ang kinita ng Lotto games mula sa P31 billion nitong 2018 sa P21 billion nitong 2019.
Maliban sa mga bagong laro na binabalak, plano rin ng hensiya na baguhin ang mga pangalan ng PCSO games at ibalik sa P10 mula sa kasalukuyang P12 na taya sa Keno at ibalik din ang tinanggal na “balik taya” sa Lotto at Keno games.
Gayunman, sa kabila ng malaking pagbaba ng kita ng PCSO, hindi ito makaaapekto sa patuloy na pagbibigay nila ng tulong pinansyal at medisina sa mga nangangailangan na dumudulog sa kanilang tanggapan at sa mga biktima ng kalamidad.
Habang hindi pa naisasapinal ang mga bagong laro, patuloy ang paghikayat ni Garma sa publiko na tangkilikin ang PCSO games para mas marami silang matulungang mga Filipino.
“Sana po nananawagan ako na the more po na tangkilikin natin ang Lotto natin the more funds po na pumapasok,” ani Garma.
Sa kasalukuyan, ang mga games na nasa ilalim ng pamamahala ng PCSO ay kinabibilangan ng Lotto, Keno, Small Town Lottery (STL), Peryahan ng bayan, Instant Sweepstakes, at iba pa. NICK ECHEVARRIA, KNOTS ALFORTE
