MAAALALANG matapos ang matagumpay na rehabilitasyon ng Boracay noong 2018, sunod na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Metro Manila Development Authority (MMDA) ang rehabilitasyon ng Manila Bay.
Nagbitaw ng pangako ang DENR ukol sa nasabing kautusan na pagtatapos ng 2019 ay maaari nang lumangoy ang mga Pilipino sa Manila Bay subalit hindi naman natupad. Gayunman, siniguro ni DENR Secretary Roy Cimatu sa publiko na mananatiling numero unong prayoridad ng kanyang tanggapan ang rehabilitasyon ng Manila Bay sa susunod na dalawang taon.
Sa dako naman ng pribadong sektor, isang programang tinatawag na Shore It Up! (SIU) ang inilunsad ng Metro Pacific Investments Foundation (MPIF), ang sangay ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) na nangangasiwa sa mga programang may kinalaman sa corporate social responsibility 12 taon na ang nakararaan. Katulad ng kasalukuyang prayoridad ng DENR, nakatuon din ang SIU sa paglilinis ng baybayin at maging ilalim ng karagatan. Ang SIU ay itinuturing na pinakamatagal na aktibong programang inilunsad ng isang korporasyon na nakatuon sa pangangalaga ng kapaligiran at nakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan para sa pangmatagalang resulta.
Matagumpay itong nailunsad sa walong probinsya sa bansa kabilang ang Batangas, Oriental Mindoro, Pangasinan, Zambales, Bohol, Surigao del Norte, Cebu at Misamis Oriental. Noong nakaraang Huwebes, pormal itong naglunsad sa ika-siyam na probinsya, ang Marinduque. Ginawang pormal ang nasabing kasunduan sa pamamagitan ni Marinduque Representative Lord Allan Jay Velasco at ni MPIC Chairman Manny V. Pangilinan.
Kabilang sa programa ang mga inspection and conservation guardian (marine guardians), mga gawaing ukol sa paglilinis sa ilalim ng tubig partikular na sa mga bahaging may coral reef, paglulunsad ng information, education and communication (IEC) campaign upang maproteksyonan ang may 2,000 ektarya ng bakawan, at pagpapaunlad ng eco-tourism sa Marinduque.
Ayon kay MPIF President Melody del Rosario, hinaharap ng programang SIU ang mga isyu na may kinalaman sa kapaligiran sa pamamagitan ng pagsusuri sa lahat ng aspeto nito. Sa kasalukuyan, umaabot na sa 5,324 na ektarya ng bakawan ang naprotektahan sa tulong ng programang SIU. Nakapagtayo rin ng tatlong information center ukol sa bakawan. Nakapag-sanay din ng 1,034 na mga maninisid, 36 na marine guard at 2,800 na junior environmental scout. Nakapagbigay din ng tulong sa 180 na pamilya at nakikipagtulungan sa 464 na pribado at publikong organisasyon sa pamamagitan ng halos 100,000 na volunteer sa buong bansa.
Importante talaga ang pagtutulungan sa pagitan ng pribado at pampublikong sektor sa pangangalaga ng kapaligiran. Kung mapapanatili natin ang kagandahan ng Pilipinas, tiyak na lalakas ang turismo nito na siya ring makatutulong sa pag-unlad ng ekonomiya.
