3 MANGINGISDA PINASABOG SA DINAMITA

MASBATE – Patay ang tatlong mangingisda matapos silang hagisan ng dinamita ng hindi kilalang mga suspek sa gitna ng karagatan sakop ng bayan ng Balud sa lalawigang ito, iniulat nitong Miyerkoles ng umaga.

Kinilala ang mga biktimang sina Arthur Villaruel, Lito Salvana, at Rosel Reyes habang nakaligtas naman sina Jomar Dela Cruz, 32, at Noli Almoguera, 35, pawang mga residente ng Brgy. Panubigan, Balud, Masbate.

Batay sa report ng Balud Police Station, dakong alas 9:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa gitna ng karagatan sa Brgy. Danao sa nabanggit na bayan.

Sakay ang mga biktima ng bangkang de-motor habang nangingisda nang bigla silang hagisan ng dinamita ng hindi kilalang mga suspek.

Agad binawian ng buhay ang mga biktima sanhi ng mga pinsala sa kanilang katawan habang nakaligtas ang dalawa nilang kasama.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing insidente. (ANNIE PINEDA)

 

 

429

Related posts

Leave a Comment