NA-DEPRESS SA EVACUATION CENTER SURVIVOR NG LINDOL NAGBIGTI

NORTH Cotabato –  Nang mawalan ng pag-asang makaalis sa tinutuluyang evacuation center ay nagpasya ang isang 47-anyos na earthquake survivor na magbigti sa Sitio Balawan, Brgy. Malasila noong Lunes ng gabi.

Kinilala ni Barangay Malasila Chairman Melvin Fortajada ang biktimang si Marciano Adlaon, residente ng nasabing lugar.

Naulila ng biktima ang kanyang misis at walong mga anak na pawang menor de edad.

Dagdag ng opisyal, kabilang si Adlaon sa 90 pamilyang nilisan ang kanilang lugar makaraan ang sunod-sunod na lindol na sumira sa maraming kabahayan noong Oktubre 2019.

Ani ni Fortajada, nagpaalam ang biktima sa kanyang asawa na magtatrabaho sa kanilang sakahan dakong alas-6:00 ng umaga ngunit hindi na umuwi dakong hapon.

Dahil dito, agad nagpasama ang ginang sa kanyang kapatid upang hanapin ang biktima.

Ngunit nabigla sila nang matagpuan ang biktima habang nakabigti sa punongkahoy gamit ang lubid ng kanilang kambing.

Ayon sa kapitan, matagal nang nakararanas ng depresyon ang biktima dahil sa lindol lalo na kapag may nangyayaring after shocks, at walang ganang kumain habang nasa evacuation center.

Napag-alaman na dalawang beses nang dinala sa pagamutan ang biktima dahil sa pagkakasakit. (DONDON DINOY)

 

339

Related posts

Leave a Comment