MAG-INA PATAY SA ARARO NG TRUCK

BULACAN – Patay ang isang 17-anyos na ina at tatlong buwan gulang niyang sanggol habang siyam na iba pa ang sugatan nang mawalan ng preno ang isang 10-wheeler truck na may kargang backhoe at inararo ang tatlong sasakyan, ilang kabahayan at isang tindahan sa Quirino Highway, sakop ng Barangay Sto. Cristo, San Jose del Monte City sa lalawigang ito, nitong Martes ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang namatay na si Michelle Ramos, 17-anyos, at kanyang anak na sanggol na si Matthew Banguit, agad binawian ng buhay sa insidente nang madaganan ng truck.

Dinala naman ang mga sugatang biktima sa pagamutan na iniulat na pawang nasa maayos nang kalagayan habang nakapiit na sa himpilan ng pulisya ang driver ng truck na si Eliazar Lumawag.

Ayon sa ulat, dakong alas-1:44 ng hapon nang mangyari ang insidente sa Quirino Highway sakop ng Barangay Sto. Cristo ng naturang lungsod.

Minamaneho ni Lumawag ang truck na may kargang backhoe, nang mawalan ito ng preno naging dahilan upang salpukin ang tatlong sasakyan at tindahan ng pakwan na kinaroroonan ni Ramos habang karga ang anak na sanggol.

Namatay noon din ang mag-ina habang mabilis na isinugod sa pagamutan ang mga sugatan.

Samantala, bago ang insidente, natikitan ang driver ng truck sa Brgy. Tungkong Mangga makaraang araruhin ang mga billboard at signages sa lugar nang sumabog ang dalawang gulong habang patungo sa Norzagaray galing sa Port Area. (GINA BORLONGAN)

 

274

Related posts

Leave a Comment