PANAHON na para muling ibalik sa orihinal na pangalang ‘Montalban’ ang pangalan ng bayan ng Rodriguez dahil ito ang matagal ng hiling at sentimyento ng ating mga nasasakupan sa naturang bayan.
Tayo ay naghain ng isang panukalang batas sa Kamara para sa pagpapanumbalik sa pangalan ng Rodriguez patungo sa orihinal nitong pangalan na Montalban simula nang itatag ito noong 1909 kung saan ito rin ang nakagisnan at kinikilala ng mas nakararami.
Ang House Bill 337 o “An Act Renaming the Municipality of Rodriguez to the Municipality of Montalban” na layuning maibalik sa dating pangalan ang naturang bayan alinsunod na rin sa kagustuhan ng mamamayan dito dahil sa taglay nitong kalinangan, kultura, tradisyon at iba pa.
Ang bayan ng Rodriguez ay sumasaklaw sa mahigit isangkapat na bahagi ng lalawigan ng Rizal at isang munisipyo sa bansa na may pinakamalaking populasyon na umaabot sa 370,000 katao.
Noong 1982, pinalitan ng Batasang Pambansa ang pangalang Montalban patungo sa Rodriguez, bilang pagkilala sa yumaong Senate President Eulogio “Amang” Rodriguez Sr.
Bagama’t halos apatnapung taon na simula nang mapalitan ng pangalan ang Montalban, ang mga tao rito ay patuloy pa ring niyayakap at pinanghahawakan ang orihinal na pangalan ng bayan.
Dahil sa pagpalit ng pangalan nito ay nagkakaroon ng maraming kalituhan sa direksiyon, mga dokumento at online resources sapagkat naging standard practice na kailangan pa ring idagdag ang pangalang ‘Montalban’ sa loob ng panaklong na tumutukoy sa ‘Rodriguez’ upang ang nga nagbabasa ay hindi nalilito.
Ang ating mga kababayan sa Rodriguez ay nakakaramdam pa rin ng isang emosyonal na koneksyon sa ‘Montalban’ dahil sa mayaman nitong kasaysayan. Sa katunayan, hanggang ngayon ang mga tourist sites sa bayang ito ay dinadala pa rin ang pangalang Montalban, gaya ng Montalban Gorge, at ang tanggapang pang-turismo ay tinatawag na Montalban Tourism Office, patunay kung gaano kahalaga ang pangalang ‘Montalban’ sa ating mga nasasakupan.
Ang isinusulong nating panukala ay walang kinalaman sa politika. Nais lamang nating tuparin ang kahilingan ng taumbayan na ating pinagsisilbihan – ang muling ibalik sa Montalban ang pangalan ng bayan ng Rodriguez, Rizal dahil sayang naman kung ipapangalan natin ito sa politiko
777 