Itinutulak sa Kamara
NAIS ng isang mambabatas na gawing mas matapang ang parusa sa mga tinatawag na cash smugglers.
Ito ay matapos maipasok ng mga dayuhan sa Pilipinas ang tinatayang isang bilyong dolyar nang walang kahirap-hirap noong nakaraang taon.
Sa panukalang batas na inakda nina Albay Rep. Joey Salceda, Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing, AMBIS-Owwa party-list Rep. Sharon Garin, Sultan Kudarat Rep. Horacio Suansing Jr., Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon at Marikina Rep. Estella Quimbo nais nilang amyendahan ang Republic Act (RA) 9160 o anti-money laundering law.
Sa ilalim ng nasabing panukala, lahat ng mga dayuhan at Filipino na magpapasok ng dolyar sa Pilipinas na ang katumbas na halaga ay P500,000 ay makukulong mula pitong taon hanggang 14 taon.
Mas mabigat ito sa itinakdang parusa sa anti-money laundering law kung saan ang mga taong mahuhuling magpapasok at maglalabas ng P1,500,000 hanggang P3,000,000 ay parurusahan ng 7 hanggang 14 taong pagkakakulong habang ang magpapasok ng higit sa P500,000 ay 6 na buwang kulong lamang.
Ginawa ng mga nabanggit na mambabatas ang panukala matapos maalarma sa bilyong dolyar na ipinasok ng apat na grupo ng sindikato sa Pilipinas noong nakaraang taon.
Kabilang sa mga grupong ito na tinukoy ng mga mambabatas sa kanilang panukala ay ang Rodriguez group, Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), Singaporean at Chinese groups.
MABUBURA
Kailangan umanong maipasa sa lalong madaling panahon ang nasabing panukala dahil kung magpapatuloy ang money smuggling na ito ay mabubura ang Pilipinas sa Financial Action Task Force (FATF).
“The more the country’s financial authorities, including the Department of Finance, the Bangko Sentral ng Pilipinas, and the Anti-Money Laundering Council are unable to respond to bulk cash smuggling decisively, the greater becomes the risk that the country gets delisted from the Financial Action Task Force (FATF) for being a high risk base for terrorism financing and money laundering,” ayon sa nasabing panukala.
Kapag nangyari umano ito ay hindi na lalago ang mga financial institution at hindi na magkakaroon ang mga ito ng negosyo sa ibang bansa, maaapektuhan din ang credit standing ng Pilipinas sa international community kaya hindi na tayo makakautang na makaaapekto sa ekonomiya ng bansa. BERNARD TAGUINOD
234 