DOH NGANGA SA COVID-19

Nabuking sa Senado na ‘di handa sa local transmission

KINASTIGO nina Senador Imee Marcos at Nancy Binay ang Department of Health (DOH) sa kabagalan at mga umano’y maling pagpaprayoridad sa isyu ng COVID-19.

Ayon kay Marcos, nagdadalawang-isip pa ang DOH na sabihin ang tunay na estado ng bansa sa nasabing virus.

“Sinabi ko na lamang sa DOH talagang maghahanap na lang ako ng ibang pagkakataon na bonggang-bongga silang awayin dahil talagang nagpapanic na kami,” ani Marcos sa ambush interview sa Senado matapos ang pagdinig hinggil sa epekto ng COVID-19 sa ekonomiya.

“Isipin naman ninyo sa libu-libo at milyon-milyon at bilyon-bilyon pang ibibigay sa DOH, ang kanilang testing kit para sa publiko para malaman sino may sakit o wala ay 2,000 pcs lamang. Hindi ka ba maloloka nyan? Tapos humihingi sila ng P2 bilyon na supplemental budget,” giit pa nito.

Nagtataka rin umano ang mambabatas kung ano ang pumipigil sa DOH para sabihin na malala na ang sitwasyon samantalang dapat na ipaalam sa bawat Pinoy ang kalagayan ng bansa.

Ganito rin ang pananaw ni Senador Nancy Binay sa pagsasabing nababagalan ito sa kilos ng DOH sa pag-aanunsyo sa mga nagpositibo sa COVID-19.

Iginiit ni Binay na sa halip na makalma ay lalo nilang nararamdaman ang panic sa mga pahayag ng DOH na mistulang hindi napaghandaan ang local transmission ng virus.

“I don’t want to panic, pero you’re making me panic kasi yung naririnig namin ngayon is parang hindi niyo pinaghandaan na magkakaroon tayo ng local transmission,” diin ni Binay.

Nanawagan din si Binay na dapat bilisan ng ahensya ang pagpapalabas ng mga imporasyon upang hindi tuluyang mawalan ng tiwala ang publiko.

PINAKIKILOS

Kaugnay nito, dapat kumilos at tumulong ang lahat ng local government units (LGU) sa bansa para labanan ang dumaraming bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Nananawagan tayo sa ating local government units na maging mapagbantay sa harap ng mga panibagong kaso ng COVID-19 sa bansa,” apela ni Senador Francis “Tol” Tolentino, chairman ng Senate Committee on Local Government.

Paliwanag pa nito na dapat magtulungan ang mga LGU at mga nasasakupan nitong barangay sa pagtukoy at pag-monitor sa posibleng kaso ng nasabing virus.

Tugon ito ng senador sa ulat na nakumpirmang kaso ng COVID-19 sa mga lungsod ng San Juan, Taguig, Marikina at Quezon City.

Samantala, naghain ng resolusyon si Tolentino na humihiling na magsagawa ng imbestigasyon kung dapat pagkalooban ng emergency stimulus package ang tourism industry kaugnay ng epekto rito ng COVID-19. DANG GARCIA, NOEL ABUEL

162

Related posts

Leave a Comment